8 anyos, namatay sa Japanese encephalitis

LINGAYEN, PANGASINAN – Sinisiyasat ngayon ng Provincial Health Office (PHO) ang pagkamatay ng isang babaeng 8 anyos mula sa bayan ng Sison na hinihinalang unang naitalang namatay sa Pangasinan dahil sa Japanese Encephalitis.
Ang biktima ay namatay habang ginagamot sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) sa lungsod ng San Fernando, La Union kung saan ay nasuri itong nasa Stage 4 na ng Japanese encephalitis, ayon sa ina ng biktima.
Naunang dinala ang bata sa emergency room ng isang ospital sa Rosario, La Union ngunit nang hindi nila malaman ang sakit nito ay inirekomendang ilipat sa ITRMC.
Salaysay ng nanay, hindi agad sila nakaalis sa ospital dahil hindi pa nila nabayaran ang bill nila na P3,500 at hinayaan lamang silang makalabas nang dumating ang asawa ng kanyang kapatid na nagbigay ng garantiya.
Habang nasa loob ng sasakyan, huminto ang tibok ng pulso ng biktima kaya dinala muna ito sa La Union Provincial Hospital sa Agoo kung saan na-revive ito ng mga doktor na nagrekomendang agad ilipat ang pasyente sa ITRMC.
Patuloy na kwento ng ina ng biktima, napansin nitong hindi maayos ang pakiramdam ng anak nang dumating ito mula sa paaralan Miyerkules noong nakaraang linggo. Sa kabila nito ay ipinilit ng bata na pumasok muli kinabukasan. Ngunit pagdating ng tanghali ay umuwi ang bata na nilalagnat at masakit ang ulo.
Humupa ang lagnat nito nang pinainom ito ng gamot ng nanay nito ngunit pagdating ng Sabado ay nagsusuka at labis ang pag-ubo ng bata kaya dinala ito ng nanay nito sa ospital dahil sa hinalang tinamaan ito ng dengue. PNA, LEONARDO MICUA / ABN

Amianan Balita Ngayon