Baguio nabigo sa zero firecracker injury

BAGUIO CITY – Nabigo ang city government na mapanatili ang zero firecracker injury ngayong taon, makaraang tatlong casualty ang naitalang nasugatan dulot ng firecrackers, sa kabila ng mahigpit at patuloy na kampanya laban sa pyrotechnic devices tuwing sasapit ang kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon.

Sa ulat ni City Health Officer Dr. Rowena Galpo, ang tatlong biktima ng blast injury ay pawang kalalakihan na edad ay 6, 23 at 61, mula sa San Carlos Heights at Bakakeng Norte at ang isa ay visitor mula sa Parañaque City na pansamantalang nakatira sa South Drive.

Ang dalawang biktima ay nagtamo ng injuries sa mata at hita dulot ng kwitis, samantalang ang 6 year old ay nagtamo pagkasunog sa mukha dahil sa paglalaro nito ng nakasinding luces.

Ayon kay Galpo, bago pa man dumating ang mga okasyong ito ay mahigpit na ang kanilang information campaign sa masamang idudulot ng anumang sa pyrotechnic devices.

Noong 2018, nakamit ng siyudad ang kauna-unahang zero firework-related injury, dahil sa kampanya laban sa paggamit ng fireworks at iba pang pyrotechnic materials at makaraang ipagbawal na sa lungsod ang pagbebenta nito.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon