Child sexual abuse, Posibleng lumala sa gitna ng mga bagong banta ng Covid

Community Billboard

Nagbabala si Senador Imee Marcos na lalala ang kaso ng pag-abuso sa mga bata, sa gitna ng mga pangamba sa panibagong Covid-19 strain at sa pagtaas ng infection rate nitong nakaraang Pasko na posibleng mauwi na naman sa matagal na community quarantine at mas matagal na pagkalantad sa internet ng mga bata.

Iginiit ni Marcos ang agarang imbestigasyon sa walang humpay na kaso ng mga pag-abuso sa bata sa online mula nang mag-lockdown halos isang taon na ang nagdaan, sabay hain ng Senate Reslution 604 bilang follow-up sa panukalang inihain niya noong Agosto.

“Ang pagkaantala ng face-to-face classes ay magdudulot ng patuloy na pagkalantad ng mga grade school at highschool student sa mga local at foreign sexual pedators na nakaabang sa internet,” diin ni Marcos.

“Ang problema ay maaaring lumaki na kung saan hindi lang indibidwal na mga pervert ang sangkot kundi maging mga organisadong criminal syndicate,” giit ni Marcos. Ang mga hubot-hubad na
mga letrato at video ng mga estudyanteng desperadong makabili ng mga gadget o mabayaran ang kanilang mga internet bills para sa kanilang online learning ay napabalitang nagbebenta nito sa halagang P150 na kanilang “Christmas bundles” sale nitong nakaraang taon.

Binanggit ni Marcos ang 156.1% na dagdag sa mga kaduda-dudang transaksyon na may kaugnayan sa bentahan ng online child pornography, na umabot sa 27,217 kaso sa unang bahagi pa lang ng 2020 mula sa dating 10,627 noong 2019, base sa ulat ng Anti-Money Laundering Council.

Mahigit sa 68% ng mga nasabing transaksyon ay may kaugnayan sa mga remittances na mula US, Australia, Canada, Saudi Arabia, United Kingdom, Norway, United Arab Emirates, Korea at Singapore, ayon sa AMLC.

Karamihan naman sa tumanggap ng mga nasabing kahina-hinalang remittances sa pamamagitan ng bangko, money issuers at electronic wallets ay mula sa Pampanga, Cebu, Bulacan, Cavite at Quezon City.

Base naman sa rehiyon, mataas at madalas ang pasok ng pera na pambayad sa online pornography sa Rizal, Cebu, Davao del Sur, Bohol at Taguig City. “Dapat isapubliko ng gobyerno at telecommunications firms ang mga inilatag nilang aksyon at maging progreso ukol dito, o ang kakulangan nito, para agad maresolba ang lumalalang problema,” ani Marcos, sa pagsulong niyang maimbestigahan ito sa Senado.