Imee: Amen sa panawagan ni Pope Francis na suporta para sa same-sex partners

Community Billboard

Kasunod ng tumatak na pahayag ni Pope Francis para sa samesex civil unions, muling binuhay ni Senadora Imee Marcos ang panawagang bigyangkarapatan ang same-sex partners para sa joint property na halos katulad sa kasal na heterosexual couples.

Sa ilalim ng Senate Bill 417, nais ni Marcos na bigyanglunas ang kawalan ng batas na magsasa-legal sa relasyon ng same-sex couples’ para payagan ang mga LGBT members na kapwa ma-enjoy ang property rights.

Ang panukalang batas ni Marcos, na “An Act Instituting A Property Regime For Cohabiting Same Sex Partners And For Other Purposes,” ay isa sa mga una niyang inihain bilang senador noong July 2019, na magbibigay-pahintulot sa same-sex couples na nagsasama na ng kahit isang taon ng patas na bahagi para sa kanilang property, income, donations o mga regalo na natanggap sa panahon ng kanilang pagsasama.

Sinabi ni Marcos na magbibigay daan ito para sa isang batas hinggil sa civil union ng mga kabilang sa LGBT community, na tumutukoy sa pagsuporta dito ni Pope Francis.

“Ang kailangan nating magawa ay ang civil union law. Sa pamamagitan nito, legal silang masasaklaw ng batas,” sabay pag-quote ni Marcos kay Pope Francis sa documentary na “Francesco,” na kasalukuyang ipinapalabas sa Rome Film Festival na nagawaran ng 18th Kineo Prize sa Vatcican Gardens nitong Huwebes.

“Panahon na para seryosyong talakayin ang lehislasyon na pakikinabangan ng ating mga kamag-anak, kaibigan, mga katrabaho na bahagi ng LGBT community,” ayon kay Marcos. “Tulad ng sinabi ni Pope Francis, “May karapatan ang mga homosexual na magkaroon ng pamilya. Sila’y mga anak ng Diyos,” “ dagdag pa ni Marcos.

Sinabi ni Marcos na para maprotektahan naman laban sa mga pag-abuso sa same-sex relationships, ang mga namanang mga ari-arian na nagsasangkot sa ibang partido ay hindi kasali sa panukalang lehislasyon.

Gayundin, ang mga pagrerenta o pagbebenta ng mga ari-ariang nakuha habang nasa isang relasyon ang isang same-sex partners ay kailangang maaprubahan at mailagay sa opisyal na dokumento. Ang inutang naman anya na walang permiso sa isa sa same-sex couples ay kinokonsiderang personal na obligasyon at pananagutan.

Habang ang co-ownership ng property ay matatapos kapag naghiwalay na ang same-sex couple, o kaya’y namatay o permanenteng nagkaroon ng kapansanan ang isa sa kanila at kinakailangan namang patas na hatiin ang lahat ng kanilang pag-aari.

May opsyon naman ang same-sex partners na ituloy ang joint ownership ng property, pero kailangang deklarado ito ng magkapareha at nasa opisyal na dokumentong notaryado ng abogado.

“Kontrobersyal man ang isyu ng same-sex union, ang hatian ng mga ari-arian ng mga magkarelasyon ay isa lang sa pinakanatural na bagay na dapat gawin,” pahayag pa ni Marcos. (30)