Isa pang congressional district sa Benguet hiling ng mambabatas sa kamara

LA TRINIDAD, Benguet – Hiniling ni Benguet legislative caretaker Eric Go Yap sa Kamara de Representante noong Lunes na dagdagan pa ng isa ang legislative district para sa Benguet upang bigyan ng mas pantay na representasyon ang mga tao sa pambansang lehislatura.

Sa ilalim ng House Bill no. 6615 na pinamagatang “An Act Reapportioning the Province of Benguet into two Legislative Districts”, ang unang legislative district ay bubuuin ng Bokod, Itogon, Kabayan, Sablan, Tuba habang ang mga bayan ng Atok, Bakun, Buguias, Kapangan, Kibungan, La Trinidad, Mankayan, at Tublay ang bubuo sa second legislative district.

Ipinaliwanag ni Yap na ang kaniyang hakbang ay nais siguruhin ang representasyon ng mga mamamayan ng Benguet sa lehislatura at pambansang gobyerno.

Nais pa ng panukala na tuloy na kumatawan at magsilbi ang incumbent representative ng lone district ng Benguet hanggang ang mga representante para sa dalawang disrito ay mahalal at kwalipikado.

Naatasan din ang Commission on Election na mag-isyu ng implementing rules and regulations upang maipatupad ang panukalang hakbang.

Ayon kay Yap, hiniling ng Provincial Board ng Benguet sa kaniya na magpila ng panukala sa Kongreso. ”There will be two votes in the passage of laws in the House. Another, there will be additional funding for the province.”

Sinabi ng Benguet caretaker at chairman din ng House Appropriation Committee na isang konsultasyon ang nakatakda para sa panukalang hakbang noong Marso subalit ipinagpaliban ito dahil sa COVID-19 ECQ. Pahayag naman ng katutubo ng Benguet at human rights lawyer at dating United Nations Expert on Indigenous Peoples Rights Mechanisms Jose Mencio Molintas na ang hakbang ay hindi dapat maging “isang ethnocentric at divisive”.

“Hindi dapat hatiin ang Ibalois at Kankanaeys, ngunit base sa BLISTT at hindi-BLISTT areas upang ang mga distrito ay nakatutok sa pagpapaunlad, at hindi sa ethnicity. Ang mga bayan sa panukalang first legislative district ay karamiha’y mga Ibaloi ang nakatira maliban sa Tublay habang sa mnga bayan ng second legislative district ay karamihan ay Kankanaey.

Ang BLISTT na binubuo ng mga bayan ng La Trinidad, Itogon, Sablan, Tuba at Tublay ay isang pangkaunlarang konsepto na isinusulong upang mapaluwag ang Baguio mula overpopulation at overdevelopment.

Noong 2019 ay unang hiniling ng Benguet Board Members kay yumaong mambabatas ng Benguet Nestor Fongwan Sr. na maging sponsor sa paglikha ng dalawang legislative districts.

Nakasaad noon sa Provincial Board resolution na “thirty-two years have passed since the effectivity of the 1987 Constitution and there has been significant development in the country that necessitates the increase of legislative districts especially in a province such as Benguet.”

Bago mamatay ay ipinila ni Fongwan Sr. ang House Bill 05679, “An Act Providing for the Reapportionment of the Province of Benguet into two legislative districts”.

AAD/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon