OFW na Nurse binaril sa harapan ng bahay

BAGUIO CITY— “I prioritize this case, we are looking all possible angle and we will do our best na maresolba ito,” pahayag ni City Director at Police Colonel Allen Rae Co kaugnay sa pagpatay sa isang nurse na Overseas Filipino Worker (OFW) noong Linggo, April 14 sa siyudad na ito.
Aniya, nag-provide na rin sila ng security personnel sa mga pamilya ng biktima dahil sa pangamba sa kanilang buhay.
Dagdag ni Co, “I assured them the support and assistance po ng ating kapulisan para sa kanilang safety”.
Noong Linggo, dakong 9:45 ng gabi, ang biktimang si Joanlee Japson Arca, 34, ng Purok 2, Barangay Gabriela Silang, Baguio City, ay nasa harapan ng kanilang gate nang biglang sumulpot ang suspek at pinagbabaril ito.
Napag-alaman na ang biktima ay nurse sa isang hospital sa Singapore at nagbakasyon noong Enero para mag-renew ng kanyang mga papeles.
Mabilis na tumakas ang suspek na sinasabing lulan ng motorsiklo, nakasuot ng black bull cap, yellow eyeglass protector, tagalog dialect, nasa edad 45- 50, may taas na 5’5″-5’6″ at medium built.
Isinugod ng mga kapamilya ang biktima sa Baguio General Hospital and Medical Center, subalit idineklara itong dead on arrival ni attending physician Menandro Dela Cruz.
Ang biktima ay nagtamo ng dalawang gunshot wound sa front body na tumagos sa likuran.
Narekober sa crime scene ang isang pirasong disassembled magazine ng cal. 45; 9 na bala ng cal. 45; 2 empty cartridge case ng cal.45; at isang white envelope.
Panawagan ni Co sa mga residente sa lugar na may kinalaman o nakakita sa suspek, na huwag matakot na ipagbigay alam ito sa pulisya, upang mapadali ang imbestigasyon sa kaso.
“Huwag pong mag-alala, hindi po natin ilalantad ang pangalan at pagkatao, na malaki ang maitutulong para sa kalutasan ng kaso at sa hustisya na gustong makamit ng pamilya.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon