P16M Marijuana Bricks, Tubes At Shabu Huli Sa 2 Big-time Tulak Sa Quezon, Isabela

BAGUIO CITY (March 7, 2021) – Dalawang big time na tulak na kabilang sa High Value Individuals ng police at PDEA ang nahuli sa barangay Abut, Quezon, Isabela alas 10 Sabado ng gabi.
Kinilala ni Cagayan Valley police director Brig. Gen. Crizaldo Nieves ang mga suspek na sina Anwar Sindatoc, 50, drayber at residente ng Las Piñas City, at Elson Cabunyag, 43 at residente ng Port Area, Manila sa isinagawang sting operation ng pinagsanib na pwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit, Isabela Police Provincial Office sa pangunguna ni Col. James Cipriano, Regional Drug
Enforcement Unit 2 na pinangunahan ni Captain Jhun Jhun Balisi, PDEA-Region 2, Provincial Explosives and Canine Unit ng Isabela at Quezon police.
Ibinenta diumano ng dalawa ang dalawang bricks ng marijuana sa isang undercover na operatiba kapalit ng tatlumpu’t isang piraso ng P1,000 na boodle money.
Nagawa pa umanong tumakas ng mga suspek nang malaman na pulis ang kanilang katransaksyon, ngunit naharang ang mga ito sa Quarantine Checkpoint sa Quezon. Nang siyasatin ang laman ng sasakyan, tumambad ang 125 pirasong MJ bricks at 4 na tubular na umabot sa 130 kilos at nagkakahalaga ng P16 milyong, isang caliber 45 Colt Mark 4 pistol na may lamang pitong bala at mga bala ng M14 rifle.
Nakumpiska din mula sa mga suspek ang humigit kumulang na tatlong gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P20,400.00, iba’t-ibang uri ng identification cards at dalawang cellphones.
Lubos naman na pinuri ni Nieves ang mga kapulisan at PDEA sa matagumpay na operasyon, habang ani ng Cagayan Valley police director ay inaalam ng pulisya kung saan nanggaling at saan sana dadalhin ang mga nasabing droga.
Kamakailan lamang ay nakasakote din ang pulisya ng Cagayan Valley ng maraming MJ bricks sa Quezon na mula umano sa Tinglayan, Kalinga, na ayon kay PDEA-Cordillera director Gil Castro ay nananatiling hotspot sa pagtatanim ng marijuana.
Masusing iniimbestigahan na ngayon ng Cordillera police ang diumano’y pakikisabwatan ng isang malaking pulitiko sa Kalinga sa illegal marijuana trade.
Artemio Dumlao/ABN

Amianan Balita Ngayon