Pagsuot ng Facemask ipinatutupad sa Lungsod ng Baguio

LUNGSOD NG BAGUIO – Ang “new normal” ng Lungsod ng Baguio kapag nasa mga pampublikong lugar ay – magsuot ng face mask. Ang pagpunta sa mga pampublikong lugar na walang suot na face mask ay labag na sa batas dito.

Sa kanilang regular session noong Mayo 4 ay inaprubahan ng konseho ng lungsod ng Baguio sa ikatlo at huling pagbasa ng isang ordinansang nag-uutos sa pagsusuot ng facemask ng lahat ng tao sa lungsod sa panahon ng idineklarang state of emergency dahil sa pandemya ng coronavirus.

Ang ordinansa ay nilagdaan ni Mayor Benjamin Magalong noong Mayo 7. Sa ilalim ng ordinansa, ang paglabas ng bahay upang pumunta sa mga pampublikong lugar, gusali, national roads o highways, sidewalks, walkways, public conveyance, at katulad na mga establisimiyento na walang suot na face mask ay labag sa batas.

Gayundin, ang pagpunta sa mga lugar ng trabaho, maging sarado o sa labas, na walang suot na face mask; pagdaan sa city roads, iskinita, o mga kalye maging pagsakay sa isang pampubliko o pribadong sasakyan o isang motorsiklo na walang suot na face mask; at nagasasagawa ng transaksiyon sa negosyo sa sinumang tao na hindi nagsusuot ng face mask ay ipinagbabawal din.

Sa ilalim ng ordinansa, parurusahan din ang mga magsasamantala, magtatago at magmamanipula ng mga presyo ng face mask na ibinebenta sa pangkalahatang publiko.

Isang multa na PhP1,000.00 para sa unang beses na paglabag, PhP2,000.00 sa ikalawa, at PhP3,000.00 at kanselasyon ng business permit, kung aplikable, para sa ikatlong paglabag ang igagawad.

Isa pa, nakasaad sa ordinansa na ang mga lumabag ay sasailalim sa mga parusa ng Republic Act No. 11332 o Revised Penal Code of the Philippines at iba pang aplikableng umiiral na mga batas o ordinansa.

Binigyan awtoridad ang City Health Office, ang Baguio City Police Office, ang City Disaster Risk Reduction and Management Office, ang Public Order and Safety Division, ang Permits and Licensing Division, at barangay officials upang ipatupad ang mga alituntunin at regulasyon ng ordinansa.

May pangangailangan na manatiling mapagmasid laban sa lubhang nakakahawang sakit sa pagpapatuloy ng ating buhay habang an gating komunidad ay patuloy na umaagapay sa bawat pagbabago dulot ng coronavirus, paliwanag ng ordinansa, habang idibagdag na sa gitna ng walang katiyakan kung tatanggalin ang ECQ o maging palawigin pa, “ang utos na magsuot ng face mask ay magiging iiral na polisiya ng lungsod hanggang tuluyan ng lubos na mawala ang banta ng COVID- 19.”

Noong Abril 4 ay iniutos ni Mayor Magalong ang paggamit ng face mask sa loob ng Baguio sa pamamagitan ng Executive Order No. 70, series of 2020 (Mandating the Use of Facemasks by All).

Amianan Balita Ngayon