Plano ng pagbili ng bakuna inaprubahan ng San Fernando City Dev’t Council

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union – Inaprubahan ng City Development Council (CDC) ng lokal na gobyerno dito ang proposed procurement plan sa bakuna para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa isang pagpupulong na isinagawa sa covered court sa Barangay Langcuas noong Enero 15 ay inaprubahan ng komite ang Resolution No. 1 of 2021 na inisyal na maglalaan ng PhP21 milyon upang pambili ng nasabing bakuna.
Gayundin, ang Resolution No. 2 of 2021 na nagbibigay awtoridad sa Executive Committee na gamitin ang additional appropriations para sa pagbili, alinsunod sa panukala ng Sangguiniang Panglungsod na maglaan ng hanggang PhP63 milyon na pondo, na naipasa na.
Binigyan-diin ni Mayor Hermenegildo Gualberto ang pangangailangan na bumili ng mga bakuna para sa mamamayan ng lungsod bilang karagdagang tulong sa vaccine roll out plan ng pambansang gobyerno.
“Gusto natin bumili ng sariling vaccine dahil this is a part of our COVID-19 recovery plan. Alam natin gaano kahalaga ang vaccine para masiguradong ligtas ang ating mga kababayan dito sa San Fernando and at the same time mapabilis din ang economic recovery ng ating siyudad,” ani Gualberto sa isang panayam sa Philippine Information Agency.
Dagdag niya, ”Alam natin na ‘yong manggagaling sa national government ay hindi sapat para mabigyan ng bakuna ang karamihan ng ating mga residente.”
Sa pagbanggit niya na maraming local government units ay nagnanais ding makakuha ng bakuna, tinukoy niya na ang apurahang pagbili upang masiguro ang kahandaan ng nasabing bakuna para sa mga mamamayan ng lungsod.
May mandato ang Local Finance Committee, City Health Office at ang City Inter-Agency Task Force na sama-samang magtrabaho upang marepaso ang bawat isang brand ng bakuna at ang posibleng pagpapabilis ng proseso ng pagbili.
Gayundin, tinatapos na ng CHO ang listahan ng mga prayoridad na benepisaryo ng libreng bakuna.
“As to the list of recipients, we want our plan to complement with that of the national government. Pero dahil malaki-laki ‘yong pondo at kaya niyang i-cover ‘yong iba pang sektor bukod sa mga nasa listahan ay susubukan din natin silang i-accommodate,” pahayag ng Mayor. Isa pa, sinabi niya na isang Special Task Force ang nilikha na tututok na masiguro ang isang sistematiko at maayos na proseso ng pagbabakuna sa lungsod sa oras na handa na ang bakuna.
(CGRC-PIA LU/PMCJr.-ABN)
 

Amianan Balita Ngayon