Siraan sa pulitika… Nakakasira o Nakakatulong?

SABI –lumang tugtugin na ang siraan sa pulitika. Pero may mga hugot lines pa rin dito. KASABIHAN: maliit man daw at magaling, nakakabuntis, este nakakapuwing din. Huwag hamakin ang kaharap dahil di mo alam ang kalidad ng armas. Huwag husgahan ang isang tao sa kanyang panlabas na anyo, dapat tarukin mo kung sino siya.

Para din sa sabi na huwag mong husgahan ang isang libro hangga’t di mo pa nababasa ang buod neto. Bulok man sa tingin, pero sariwa at matamis ang laman. Mga yan at maraming iba pa ang mga hugutan na puwede nating paghambingan sa mga nagaganap ngayon sa pultika sa ating bansa. At yan ang ating kakaliskisan: Panahon pa raw ni Adan…uso na ang siraan o batuhan ng putik. Huwag na nating isa-isahin ang mga pangyayari sa daigdig baka kapusin tayong espasyo. Dito na lamang tayo sa nangyayari ngayon kay BBM at SARA.

Kaliwa’t kanan na ang mga batikos laban sa kanila dahil lamang sa hindi nila pagsipot sa mga imbitasyong debate. Sabing mga analysts: habang binabatikos, lalong nakakagawa ng pangalan. Kaya nga’t tama ang linyang – luma man ang isyu, sa panibagong presentasyon at kanti naman.

Totoo yon. Walang pinag-iba ang kasabihang – “lumang tugtugin, pero iniba ang tipa at depende sa pagkanta at kung sino ang mga umaawit.” Walang pinagiba yan sa isang lumang gitara na binago mo ang itsura ngunit hindi nabubura ang kanyang dating tunog. Siya pa rin. Di ba ganyan ngayon ang nangyayari sa isyung
ibinabato kay BBM? Ilang dekada na ang nakalipas sapul nang mawala ang kanyang ama…pero andiyan pa rin ang dating mga patutsada.

Maraming katanungan ang dapat sagutin: Mga tanong: mula noon hanggang ngayon, ano bang nagawa na ng mga lumipas na administrasyon. Katunayan nga, umupo pa sa Malakanyang ang angkan ng mortal na kalaban ng mga Marcos…anong nangyari bakit di nabulatlat nang husto ang isyu? Bakit sa halip na nawala na sa mapa ng usapan ang pamilyang Marcos ay nanatili sa mga puwestong matataas ang mga ito?

Kung may mga nahanapan ang PCGG noon na mga illegal na yaman, nasaan, magkano at ano na ang ginawa dito? Kung merong hindi nabayarang mga buwis, papano babayaran eh, nililitis pa lamang ang kanilang mga kaso? At ang pinakamabigat na tanong ay ito: bakit halos lahat ng puntirya ng batikusan ay si Marcos?

Ano bang meron siya na wala sa ibang aspirante? Hindi ba’t mas mainam sana kung ipursige nila ang kanilang kanyakanyang programa para sa bayan at hindi ang manira at magsaboy ng putik sa kalaban? Yan ay ilan lamang sa tonetoneladang mga katanungan na dapat masagot upang hindi malito ang mga mamamayan.

Walang kinikilingan ang espasyong ito. Sino man sa mga aspirante para sa pagkapangulo at bise….sila ay kuwalipikado at mga mahuhusay na lider. Ang isyu dito ay hinggil sa siraan o sabuyan ng putik. May mga korte tayo. Sila ang karapatdapat na manghimay sa mga kasong pinag-uusapan ngayon. Kung ano ang pinal na desisyon sa likud man ng maraming paikot-ikot na proseso ng litigasyon….yon ang iiral. Kaya mabalik tayo sa mga kasabihan: ang kasalanan ni Juan ay di kasalanan ni Pedro.

Pero sa makabagong panahon…sabi nila, depende baka naman kasabwat si Pedro (hahaha). Hindi raw mamumunga ang mangga ng abokado kundi mangga pa rin.

Pero sa makabagong teknolohiya, puwede ng pagbungahin ang talong ng kamatis o ampalaya. Kaya para matigil ang siraan sa tuwing eleksiyon….ang suma-total na
bigwas ng espasyong ito ay: sino man ang kandidato (sa ano mang posisyon) at partido….iisa ang hangad: manilbihan sa bayan. Yun lang at dapat at wala ng iba pang motibo. Manilbihan sa bayan at hindi sa kanyang personal na motibo. In short…dapat silang magkaisa (mga magkakatunggali) dahil iisa naman ang kanilang pakay – public service. Amen. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon