Tulong mula sa Yamang Bukid

Doing business with a heart, ito ang isinasabuhay ng Yamang Bukid Food Products sa pamamagitan ng pag-aabot ng tulong pinansiyal sa iba’t ibang organisasyon at indibidwal na ngangailangan ng ayuda. Nagbibigay rin sila ng scholarship sa ilang piling mag-aaral. Isa sa napagkalooban ng tulong ng Yamang Bukid Food Products sa pangunguna ni Alma Buyacao, sales manager, kasama sina Yamang Bukid representatives Darlene Jane P. Delovino at Mareli Marian B. Digal ay ang Sto. Tomas Elementary School sa lungsod ng Baguio, na ang layunin ay maipatayo ang tinatawag na Araling Panlipunan Park. Inaasahan na sa pamamagitan nito ay malilinang ang pang-unawa ng mga mag-aaral sa kasaysayan. Ang mga materyales ay tinanggap nina Agosta L. Sabayao, guro sa  Araling Panlipunan, at Charlene F. Gumatay, faculty club president, noong Marso 25, 2017. Nakita rin ng grupo ng Yamang Bukid ang potensiyal ng lugar na magkaroon ng pataniman kaya hinikayat nila ang paaralan na kumbinsihin ang mga magulang na  magtanim ng iba’t ibang uri ng mga herbs na di gumagamit ng pestisidyo. Turmeric, lemon grass, peppermint, malunggay, pandan, sambong, lagundi, banaba, malunggay, at gynura procumbens ang mga pangunahing sangkap sa produkto ng Yamang Bukid Food Products. Tinitiyak nila na organiko lamang ang lahat ng sangkap ng kanilang produkto. Bukod sa layuning makapagbigay ng mga pagkaing makabubuti sa pangangatawan, nais din ng Yamang Bukid Food Products na maiangat at makapagbigay ng hanapbuhay sa nakararami. Ang iba’t ibang produkto ng Yamang Bukid ay mabibili sa kanilang mga satellite stores nationwide. ABN/SHERYL PENAREJO

Amianan Balita Ngayon