130 employer kakasuhan sa paglabag sa SSS Law

BAGUIO CITY – Isang daan at tatlungpung mga employers ang nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Social Security System Law o’ ang hindi pagbabayad ng kontribusyon sa kanilang mga empleyado.
Nabatid kay Atty.Glesselda Acosta, ng legal department for Northluzon-1, sa nasabing bilang ay 30 employer ang naisampa na ang kaso sa korte,dahil sa pagbabalewala sa kanilang demand at inaantay na lamang ang paglabas ng mga warrant of arrest nito, samantalang yong iba ay nasa masusing imbestigasyon at negotiation.
Ayon kay Acosta, ang mga kinasuhang employer ay mula sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, La Union, La Trinidad, Benguet at Baguio City.
“Alam naman ng ating mga employer ang kanilang obligasyon at may batas tayo na dapat sundin at ipatupad para sa kapakanan ng mga manggagawa na umaasang may benepisyong makukuha sa ating gobyerno.” Aniya, mahigpit ang SSS ngayon sa implementasyon ng batas para mabigyan ng proteksyon ang manggagawa mula sa ilang abusadong employer.
Tatlong warrant of arrest ang inihain ng mga warrant officer ng Baguio City Police Office laban sa tatlong employer mula sa siyudad ng Baguio, noong Biyernes ng umaga, subalit wala ang mga ito sa kanila-kanilang bahay.
Nanawagan din si Acosta sa mga manggagawa na suriing mabuti sa kanilang tanggapan kung talagang nababayaran ang kanilang kontribusyon ng employer at kung hindi man ay ipaalam agad ito sa kanilang tanggapan, upang makagawa agad ng aksyon ang SSS.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon