Konsumo sa baboy ng Baguio bumaba ng 10% dahil sa ASF

LUNGSOD NG BAGUIO – Bumaba sa 10 porsiyento ang konsumo sa karne ng baboy ng lungsod subalit sinabi ng city veterinary office na nananatili ang suplay at pinaigting pa ang inspeksiyon ng mga karne at produkto ng karne.
“The consumption of pork dropped by at least 10 percent which could have been diverted to chicken or fish,” ani Dr. Brigitte Piok, chief ng City Veterinary Office (CVO) noong Lunes.
Sinabi niya na ang normal na konsumo ng lungsod ay mahigit 350 baboy bawat araw at ang pagbaba na 10 porsiyento ay iniuugnay sa takot sa African Swine Fever (ASF).
Hinimok niya ang mga awtoridad na suriin ang mga presyo ng mga produktong karne upang maprotektahan ang mga mamimili mula sa overpricing.
“The farm gate price of pork is from PHP60 to PHP80 but they are sold at PHP220 a kilo. I don’t know where the overpricing comes in but it is the consumers who are affected. Some have diverted to buying chicken in lieu of pork so it is also important to look at the prices of those sold,” pahayag ni Piok.
Sa usaping kaligtasan ay sinabi ni Piok na ang inspeksiyon ng mga buhay na hayop at produktong karne na pumapasoksa lungsod ay pinaigting upang masiguro na ang sanitation standards at kaligtasan ng mga pagkain na ibinebenta sa mga consumer ay nasusunod.
Sinabi niya na ang mga karne na ibinebenta sa merkado ay dapat sakop ng isang meat inspection certificate, isang shipping certificate, at kung ibinibiyahe, ang karne ay dapat mayroong isang health certificate mula sa pinagnulan nito.
Siniguro ni Piok na ang city veterinary office at ang National Meat Inspection Service ay nagsasagawa ng spot at intensified inspection system.
“We are inspecting all animals that are coming in and those that are being slaughtered so our pork meat and all other meat here Baguio are safe,” aniya.
Pinayuhan niya ang publiko na suriin ang mga karne mismo at ang meat inspection certificate ng mga puwesto kung saan nila ito binili.
“I-check din yung karne na fresh — amoy, itsura, kulay kasi ‘yung ibang vendor ’pag may naiiwan, binebenta pa for the next day or minsan hinahalo nila. ‘Pag nakita nilang medyo black or green, kapag greenish — nabubulok na huwag na nilang bilhin ‘yun,” ani Piok.
 
PNA/PMCjr.-ABN

Amianan Balita Ngayon