3 trabahador patay sa pagguho ng lupa

LUNGSOD NG BAGUIO – Tatlong construction workers ang namatay sa magkakasunod na soil erosion sa likuran ng bahay na kanilang hinuhukay para sa rip-rap noong Sabado (Okt.20) sa No. 15 Purok 1, Shangri-La Village, San Luis Barangay, Baguio City.
Kinilala ni Chief Insp. Eddie Bagto, chief of police ng Station 1 ng Baguio City Police Office, ang mga biktimang sina Lemuel Malate, John Ray Daus at isang nagngangalang Jeff, na pawang taga-Pangasinan.
Sa imbestigasyon, anim na laborer ang kasalukuyang naghuhukay ng lupa para sa rip-rap na bakod nang biglang gumuho ang mataas na bahagi ng lupa at natabunan sila dakong 1:35 ng hapon.
Tatlo sa anim na biktima ang agad na naihaon ng kanilang kasamahan, subalit naiwan pa ang tatlong biktima na natabunan ng malaking bahagi ng lupa.
Sa mga nagrespondeng tauhan ng PS1, BCPO, BFP, EMS team, BCPO-SWAT at BCPO-MPU mabilis na nagsagawa ng retrieval hanggang sa makita ang tatlong biktima dakong 3:35 ng hapon.
Mabilis na isinugod sa Baguio General Hospital ang mga ito subalit namatay ang mga biktima dakong ika-4 ng hapon. Zaldy Comanda / ABN
 

Amianan Balita Ngayon