30 WANTED PERSON NALAMBAT SA CORDILLERA

LA TRINIDAD, Benguet

Ang pinaigting na pagpapatupad ng mga anti-criminality strategies at law enforcement campaign ay nagresulta sa pagkakaaresto sa 30 wanted person. habang 60 munisipalidad sa rehiyon ang
nagtala ng zero crime incidents mula Oktubre 15 hanggang 21. Batay sa talaan ng Regional Investigation and Detective Management Division ng Police Regional Office-Cordillera , ang Baguio
City Police Office ang nagtala ng pinakamataas na bilang ng mga naaresto, kung saan 13 wanted person ang nahuli, na sinundan ng Kalinga Police Provincial Office (PPO) may anim na nahuli.

Ang Benguet PPO ay may limang arestado; ang Ifugao PPO at Abra PPO na may tigdalawang arestado; at ang Mountain Province PPO at Apayao PPO na may tig-iisang arestado. Sa mga naarestong personalidad, apat na indibidwal ang naitala bilang Most Wanted Persons (MWP), kung saan dalawa ang nakalista sa provincial level, isa sa city level, at isa sa municipal level. Dagdag pa, sa parehong linggo, animnapung munisipalidad sa iba’t ibang lalawigan ng rehiyon at dalawang istasyon ng pulisya sa Baguio City ang nagtala ng zero na insidente ng krimen.

Zero crime incidents ang naitala sa dalawampu’t tatlong munisipalidad sa Abra; anim na munisipalidad sa Apayao; siyam na munisipalidad sa Benguet; anim na munisipalidad sa Kalinga;
walong munisipalidad sa Ifugao; walo sa Mountain Province; at dalawang city police station ng Baguio City Police Office. Ang PRO Cordillera ay patuloy na nagsasagawa ng pinaigting na operasyon ng pulisya, police visibility, at community engagement upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad at ang kaligtasan ng publiko, lalo na bilang paghahanda sa
darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023.

TFP/ABN

Amianan Balita Ngayon