Bakit nasa Alert Level 1 ngayon ang Baguio

LUNGSOD NG BAGUIO – Ang dahilan ng pagbaba sa alert classification level 1 ng lungsod ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ayon kay City Health officer Dr. Rowena Galpo ay ang malaking pagbuti ng sitwasyon ng coronavirus disease (COVID- 19).
Sinabi ni Galpo na natugunan ng lungsod ang IATF criteria para sa nasabing status matapos makapagrehistro ng mababang epidemic risk level dahil sa mabilis na pagbaba sa daily attack rate, growth rate at health care utilization rate simula noong Enero 23.
Sinabi niya na naipasa ng lungsod ang iba pang prerequisites partikular ang mataas na vaccination rate at safety seal coverage. Naunang sinabi ni Mayor Benjamin Magalong na hindi siya interesado na ibaba ang alert classification ng lungsod sa level 1 ngayong buwan upang maiwasan ang pagbalik sa dati subalit sinabi niya na hindi siya nasorpresa sa desisyon ng IATF dahil naayos na estado sa COVID-19 ng lungsod.
Sinabi ni Galpo na ang average daily attack rate (ADAR) ng lungsod na nasukat sa 4.4 per 100,000 population ay nasa medium risk level habang ang two-week growth rate nito na-78 percent ay mababa na nagresulta sa isang low risk epidemic risk classification.
Ang negative growth rate nang i-cross tabulate ito sa low bed utilization rate ay nagresulta sa isang mababang rating kung saan naging kuwalipikado ang lungsod sa alert level 1 status.
Ang high vaccination rate ng lungsod na kasalukuyang nasa 98.88 percent para sa adult population at 82.64 percent para sa 12-17 age group at high compliance ng gobyerno at pribadong mga establisimiyento sa health and safety protocols ay mahalagang isinaalang-alang din.
Ang mga kaso sa panahon ng pagdami ng omicron ay pumalo sa average na 87 araw-araw sa linggong Enero 2-8, lubhang tumaas sa 403 sa linggo na Enero 9-15 at umakyat sa 637 sa isang araw sa linggong Enero 16-22 bago bumaba sa 334 kada araw sa linggong Enero 23-29.
Para sa linggong Pebrero 20-26, ang daily case average ay bumagsak sa 13. Para sa parehong panahon, ang case positivity rate ay bumaba rin sa 2.90 percent mula sa nakaraang linggo na 5.7 percent. Ang pinakamataas ma positivity rate na inabot ng lungsod sa panahon ng pagdami ng omicron ay 47.9 percent sa linggong Enero 9-15.
Ang weekly infection growth rate ay nanatili sa mas mababa sa 1 sa huling limang linggo na ibig sabihin ay bumaba ang hawaan. Umakyat ito hanggang 7.71 noong Enero 2-8 at 6.9 noong Enero 9-15 bago bumaba sa 0.77 noong Enero 23-29. Ang ADAR at TWGR ay umakyat hanggang 75/100,000 at 187 percent ayon sa pagkakasunod sa panahon ng pagdami ng kaso.
Ang Hospital care utilization rate ay bumaba sa 21.71 percent mula 46.68 percent habang ang isolation facility bed occupancy ay bumagsak din sa 3.01 percent mula 8.84 percent.
Sinabi ni Galpo na binawasan ng lungsod ang isolation bed capacity nito sa 432 lamang mula 938 na ang Baguio City Community Isolation Unit na lamang ang nag-ooperate.
(APR-PIO/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon