Bakuna dumadagsa na… Pulitika umiingay na!!!

Daplis Walang Mintis

Isang taimtim na panalangin at pagbubunyi ang pahabol ng Daplis sa nakaraang Araw ng Kasarinlan ng bansa noong June 12. Lagi rin ang dalangin ng marami na sana’y gamitin natin ang diwa ng araw na ito para sa pagkakaisa para sa mas matatag na bansa ngayon at sa hinaharap. Kung baga sa takbo ng barko kung saan tayo nakasakay… magtiwala tayo sa kakayanan ng ating Kapitang piloto upang makarating tayo sa dapat na daungan.

Kung watak-watak ang ambisyon…lunod tayo lahat sa dagat ng kamalasan. Amen! Balik tayo sa ratsada ng mga bakuna. Buti naman at dumarami na ang mga bakunang magagamit sa ating bansa. May mga dumarating halos arawaraw, may mga parating at may mga ulat na hanggang Agosto ay marami pa. May mga binili at may mga donasyon. Pero ang masaklap, libre pa sa ngayon ang bakuna pero mas marami pa ang dapat mabakunahan.

Ang mapait, may naka-unang dose na, ayaw naman magpaturok para sa second dose. Kaya nga’t may utos na si Pres. Duterte sa LGU na hanapin ang mga yon. At mabigat din ang banta laban sa mga alam na nga nila na may tama sila ng Covid-19 pero pakalat-kalat pa rin sila. Kaya nga’t kahapon lang, may walong barangay chairmen sa buong bansa ang kakasuhan ng DILG dahil sa kapabayaan sa isyu ng mass gatherings na nagresulta sa biglaang pagtaas ng mga kaso ng sakit na ito sa kanilang lugal. Tsk tsk…malaki raw ang kanilang pagkukulang kaya sila’y napalusutan.

Sige…kastiguhin ninyo sila at magsilbi sana itong babala sa lahat. Ito naman ngayon ang nakakainis at nakakabanas na katotohanan mga pards. Kung dagsa na ang mga bakunang kinakailangan sa bansa…dagsa na rin ang mga daldalan at usaping pampulitika. Tsk tsk…malapit na kasi ang COC filing para sa Election 2022.

Natural lang daw na parang pusa at asong maiingay na ang mga may plano. Hindi masama ang mangarap. Ilagay lang sa lugal. Ang masakit, may mga maiingay na diumano’y bubot pa o hindi pa hinog. Hindi raw mangarap ng matayog total kapag lumagapak ka, sarili mong ambisyon ang may sala, di ba? Dapat sa mga nag-aambisyong tumakbo sa eleksiyon…manalamin muna sila.

Manaliksik at huwag padidikta sa mga katabing buwaya. May kasabihan nga: kung gusto mong sirain ang isang tao…itulak mong pumasok sa pulitika. Hindi lingid sa marami na marami ang mga mahahaba ang nguso riyan na kuno ay mga eksperto sa takbo ng pulitika.

Manunulsol sila at magtutulak ng mga taong kuno ay pambato at maaring manalo.

Pero sa likud ng kanilang sulsol, may pinupuntirya silang kapalit….maaring puwesto sa gobyerno, kapit sa negosyo at siempre…kinang ng salapi. Maugong kamakailan ang amuki na tumakbong bise presidente si Pres. Duterte.

Sagot naman niya: magreretiro na lamang siya pagkatapos ng kanyang termino. Pinayuhan pa niya ang kanyang anak na si Sarah na huwag tumakbo sa pagkapangulo. Pero ika naman
ng mga magaling manghula at maaring may bolang Kristal: wala pang pinal sa ngayon. Baka mauulit ang mga eksena noon na may nanumpa na hindi na tatakbo, pero kalaunan ay tumakbo rin sabay upak: Joke Lang! Ganyan talaga ang mga eksena ngayon.

Kung sa una…marami ang humihiyaw noon – nasaan ang bakuna. Nang dumagsa si bakuna, takot naman silang magpaturok. Ganyan din sa pulitika: marami na ang humihiyaw at ipenepresenta ang sarili upang manilbihan…pero kapag nakauapo na, wala na siyang kakilala. Hindi po sa nilalahat…pero nasa ating mga kamay ang pinal na desisyon kung sino ang dapat na paupuing manilbihan sa bayan pagdating ng panahon. Adios mi amor, ciao, mabalos!