Bakunahan….Sungki-sungki pa rin!

Daplis Walang Mintis

Anak ng buwayang nakaupo sa opisina…ano ba talaga ang dapat mangyari sa atin? Andiyan na nga ang unang bakunang dumating – ang Sinovac. Di pa rin magkaisa. May nagsasabing mahina raw. May nagsasabing maghintay na lang ng ibang bakuna. Sus ginoong walang saplot….ganito na tayo noon pang panahon ng mga kastila.

Hanggang ngayon ba naman, ay ganito pa rin tayo? Huwag naman sana. Tama na. Magbago na ! Teka, parang..talamak na kataga yan noong panahon ni Tita Cory, ah! Ah, hayaan na natin yan. Ang bago ngayon ay mga katagang ibinubuga ng mga ngalangala nina Digong at Leni.

Haayy naku..bakit napasok na naman tayo sa lunggang ire? Sige, uriratin natin para matapos na ang kontrobersiya…. Nagpahapyawan na naman ang dalawa ulo sa ‘Pinas. Bakit na naman? As usual…talagang hindi magkaisa ng damdamin ang dalawang ire. Sabi nga ng marami..ano ka’t TURUKAN ng BAKUNA ni Digong si Leni…siguro tapos na ang laban.

Ang ibig sabyan, pards…ano kaya’t si Pres. Digong na ang magtuturok ng bakuna para kay VP Leni. Di kaya mas masaya ang bansa? Sila na matataas nating opisyal ang nagtuturukan? Ang kaso, iba ang turok nilang ginagawa eh!

Mantakin mong sabi ng isa – mala-anghel ang mukha ni babae pero mala-demonyo ang kukuti. Sus mga anghel sa langit…puwede bang makahingi ng inyong opinion, hane? Natural lang na uumbag naman si anghel, este si VP.

Buti na lamang hindi niya isinangkot ang lahat ng mga kademonyohan sa balat ng impierno kontra sa nag akusa sa kanya. Mabait pa rin si Leni, di ba, pards? Aba..kung ako ang tatanungin…di ako makasabat diyan dahil baka di pa ako nakaabot sa purge, este sa purgatoryo.

Ang kaso, lugmok na si Juan dela Cruz sa mga sandamukal na problema sa bansa dahil kay Covid-19, tapos, yan pa ang nangyayari sa mga opisyal natin? Aba’y sigaw nga ng marami: Hoy umayos-ayos naman kayo mga…mga…tinamaan kayo ng TUROK!!

Kung turok ang usapan, habang pinag-uusapan eto…naghihintay pa rin ang Daplis at ang ‘Pinas sa pagdating ng mga bakunang isa pa, liban sa dumating na Sinovac. Pero sa puntong ito…marami ng samu’t-sari ang naganap. Sa Hongkong daw…may namatay matapos maturukan bagama’t di sinabi kung anong bakuna ang ginamit. Tapos may ulat pang may dalawa daw naturukan sa Korea, tepok din.

Teka teka pards…tinatakot ba nila ang daigdig? Andiyan na nga na naglabasan ang mga bakuna kontra Covid pagtapos may mga report na natepok dahil kay turok? Sus ginoong hubad….ano ba etong mga eksenang? Panakot ba ito o isang may bahid na pulitikang ulat? Kasi nga naman…puwedeng magsiraan ang mga gumawa ng bakuna, di ba? Para sumikat ang kanilang imbensiyon…maari nilang siraan ang iba. Inangko…ano ba eksena etong naglalabasan.

Puwede bang magmura? Anak ng..anak ng PUT….puto ng Calasiao! Buti pa nga ang puto ng Calasiao..masarap kumpara sa ..sige…preno, pards baka tayo daplisan ng kidlat ng mga linta ng lipunan. Sabi ng marami…hirap pa rin daw silang makabiyahe sa dami ng mga echi-buritche sa mga checkpoints. May mga maluwag, may mga istrikto. Ano ba at alin ba ang dapat pairalin? Sabi ng IATF at DILG..luwagan na.

Di na kailangan ang Health Certificate at kung ano-ano pang dokumento. Pero dagdag sa dulo ng utos ay depende raw sa mga LGU.

Anak ng pating, pards. Alin ba talaga ang utos? Sinabi na ngang wala nang paghihigpit sa dokumento, pero may mga pero pa rin pala. Alin ba ang tama? Lito na si Juan dela Cruz? Naku, pards…kung mag-amok ang buong bansa laban sa mga palpak na reglamento, di ba…baka people power ang katumbas? Ginoong naka-bra….tulungan mo kaming manalangin at isalba ang imahe at lahi ni Magelan este Lapulapu…please.

Kaya ang mga kontrobersiya hinggil sa bakuna…tigilan na. Kung ano na ang nariyan…sige na. Katunayan nga..parami na ng parami ang nagpapaturok sa bakunang Sinovac ng China. Wala namang reklamo. Kinakapos na nga ang ibang ospital. At ang maganda neto, pards…libre ito kasi donasyon. Pagdating ng ibang bakuna…may bayad na. Mahal pa naman. Kaya sana…mga kontrabida sa bakuna, mas maiging magpabakuna na lang kayo kaysa dumakdak.

Para sa ating kaligtasan at hindi para sa ating kamatayan. Huwag ng haluan ng pulitika ang bakuna…haluan na lang ninyo ng totoong konsensiya at malasakit sa bayan. At sa mga matitigas ang kukuti…adios mi amor, ciao, mabalos na lang.