Banatang pulitika… Rumatsada na!

Daplis Walang Mintis

Sinal-it ken Sinalbag a biag, pards….Di pa nakakapagfile ng COC ang mga kakandidato…grabe na ang upakan. Hindi na lang sabuyan ng putik at pabanguhan ng kartada. Kalkalan na rin ng mga nakalibing na baho at mga diumano ay ebidensiya kontra sa mga makakatunggali. At sa ganireng sistema…iisa lang ang bunghalit ni Juan dela Cruz: anak ng torkwatang buhaypulitika… kawawa na naman ang mga botanteng nakatunganga.

Nakatunganga dahil wala naman daw napala sa kanilang mga sinuportahan sa mga nagdaang eleksiyon.

Nakatunganga dahil kung sila’y nagutom sa nagdaang siglo, hanggang sa ngayon, gutom pa rin ang kanilang kapinggan. Sige, upakan natin ire, pards: Hindi na lingid sa madla kung sinu-sino na ang mga naglatag ng pamumuntiryang makaupo sa Malakanyang.

Siyempre nariyan na ang naunang tandem na sina Lacson at Sotto. Sinundan ng lantarang eksena naman ni Pacman na sinundan nina Isko at Ong. Tumilaok na rin ang mga kakosa nina Cayetano, Trillanes, at Drilon.

Medyo nagtitimbang naman ang mga kuta nina Sarah, Bongbong, at Bong Go. Wala pa sa brigada sa tatakbo sina Grace Poe at mga iba pang may malaki ring pangalan sa takbuhan. He he..ano kaya’t patakbuhin na lang sila sa isang marathon?

Sus, ginoo, kawawa naman ang mga malalaki ang tiyan. Alaala ko tuloy ang banatang- Duterte at Drilon. May mga upak sila hinggil sa kanilang hitsura. Sus, ginoo…huwag na nating sukatin ang kanilang panlabas na anyo…dapat sukatin na lang sila sa kung ano ang maari nilang magampanan para kay Juan dela Cruz sa hinaharap.

Pero sabi ng mga analysts: talagang nakakapika na ang mga eksena sa tuwing may eleksiyon sa ating bansa. Kung di ka makapagpigil…hindi
ka na talaga buboto, eh. Kasi tone-tonelada na namang mga pangako ang iraratsada ng mga tatakbo.

Ang masakit, gramo na lang ang timbang ng kanilang mga isasakatuparan sa kanilang litanya ng mga “promise” na nakakabuwisit. Tsk tsk..relax lang pards at hindi lang pulitika ang nasa paligid…nariyan pa ang banta ni Pandemya. Bakit daw sa tuwing malapit na ang eleksiyon, tumatamis ang dila ng mga kandidato sampu ng kanilang mga alipores. Bihira ang asaltigre.

Napakaamo nila na parang tupa na may gatas. Kahit sa tunay nilang pagkatao, para silang karnero na ang tunay na pagkatao ay nababalutan ng makapal na balat at balahibo. Sa mga ganitong panahon natin nakikita ang mga anyong mga santo kahit pa sa nagdaang panahon, sila’y may mga sungay na mas mahaba pa sa sungay ng kalabaw. Bukas diumano ang kanilang mga palad sa kawang-gawa at kuntudo yakap at yapus a mga botante. Pero pagkatapos na sila’y makaupo..ano kaya ang mga trahedyang gagawin?

Talagang ang kawawa ay si Juan dela Cruz. Lagi na lang “paasa”. May bumulong : wala na kaming tiwala sa pulitika. Pare-pareho silang mga talusira sa pangako. Sabagay, hindi po sa nilalahat. Pero kung t i t i m b a n g i n natin….nakakalamang yata ang mga ungas kaysa sa hindi ungas. Sorry, mga pards…pero hindi tayo nasilang noong bata pa ang mundo. Sa panahon ngayon, grabe na ang lamangan. Kitang-kita mo na nang sinungkit ang bunga ng iyong tanim na manga pero tudo “denial” siya kapag nahuli.

Ganyan ngayon ang nangyayari. Ang senado at lower house ay nagmistulang hindi na pandayan ng batas kundi pondasyon na ng imbestigasyon.

At lalong nagriripeke ang kanilang malaka-kampanang teynga at bunganga tuwing may iimbestigahan. Magagaling na sila ng magluto…puros “ginisa” nga lamang ang alam na luto.

Gisahin ka ng husto upangmakilala ang kanilang galing diumano. Pero pagkatapos ng eleksiyon, napakatahimik na naman ang mga “tinamaan ng….”. Hay naku, pards..kayo na ang bahala. Ngayong may pandemya, isabay nating mangilatis at sumunod sa mga
protocol kontra Covid-19 at protocol kontra “maruming pulitika”. Amen. Adios mi amor, ciao, mabalos.