Barangay Dontogan nag lockdown dahil sa pulis na nagpositibo sa COVID-19

LUNGSOD NG BAGUIO – Agad na inilagay ni Mayor Benjamin Magalong ang Barangay Dontogan sa lockdown noong Martes matapos matuklasang positibo sa COVID-19 ang isang opisyal sa national headquarters ng Philippine National Police.

Sa ngayon, ang pinakabagong kaso sa Baguio ay si Major Rafael Baldado Roxas, 41, na kasalukuyang deputy chief ng Fingerprint Division ng PNP Crime Laboratory sa National Headquarters sa Camp Crame sa Quezon City. Siya at ang kaniyang pamilya ay mula sa Barangay Dontogan ng lungsod na ito.

Sinabi ni Magalong na sa utos na lockdown ay maisasagawa ang kumpleto at episyenteng contact tracing at masiguro na ang kaligtasan at seguridad ng mga tao na maaaring nakahalubilo ng bagong positibong kaso’.

Sinuspinde rin ni Magalong ang mga home quarantine pass ng lahat ng residente ng Barangay Dontogan, habang pinayuhan ang mga nangangailangan ng basic necessities na pumunta sa kanilang satellite market o rolling stores o humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay para maremedyuhan ang kanilang pangangailangan.

Ang mga APORS at mga may medical emergencies lamang ang papayagang lumabas at pumasok sa barangay. Sinabi ni Magalong na pumayag si Roxas na makilala, kaya maaaring mapabilis ang pagsasagawa ng contact tracing.

Ang kaso ni Roxas ay hindi maituturing bilang isang local transmission dahil diumano’y nakuha niya ang virus sa National Capital Region. Naka-confine na siya ngayon sa isang health facility dito sa lungsod.

Samantala, lahat ng siyam na health workers, kabilang ang dalawang doktor sa lungsod ay idineklara ng malusog at walang sakit matapos maging positibo ng una.

Ang ilan ay pinalabas sa ospital hapon ng Martes at ang iba noong Miyerkoles. Kaya, ang naiiwang aktibong kaso sa ngayon sa Lungsod ng Baguio ay dalawa na lamang at kabuuang 31 mula ng maitala ang unang kaso noong bandang dulo ng Marso.

Sinabi ni Epidemiologist Dr. Donnabelle Panes na 19 ang naunang nakarekober mula sa sakit na may isang kamatayan na isang maliit na 3.2 porsiyentong mortality rate.

Mayroon ng 28 recoveries (90.32 percent) dito sa lungsod.

AAD/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon