Bilang ng teenage pregnancy sa Baguio, bumaba

Mas mababa ang naitalang kaso ng teenage pregnancy sa lungsod ngayong taon kumpara noong 2017.
Iniulat ni Assistant City Civil Registrar Bernardina Tabin na sa 4,192 live births na nakarehistro mula Enero hanggang Mayo ngayong taon, 353 o 9.14 porsiyento ay galing sa teenage pregnancy, na mas mababa kaysa noong nakaraang taon na sa 9,867 nakarehistrong annual live births, 966 o 9.79 na porsiyento ay galing sa mga teenage mother.
Sa naitalang bilang ng teenage pregnancy, hindi lahat ay residente ng Baguio; ang iba ay transient na mas piniling dito sa Baguio manganak.
Sa kasalukuyang datos ng Local Civil Registry ng mga teenage deliveries, may 60 porsiyento ay residente ng Baguio at ang 40 porsiyento naman ay mga transients o galing ibang lugar na nanganganak dito sa Baguio.
Ayon naman kay Dr. Maria Alice Torres, head ng maternal and neonatal child health and nutrition ng City Health Office, na ngayong taon ay may 320 teenage pregnancies na nanggagaling sa edad na 15 hanggang 19 at tatlong kaso ng teenage pregnancies na may edad 10 hanggang 14.
Dagdag naman ni City Health Officer Rowena Galpo na ayon sa nakaraang statistics ng Young Adult Fertility Survey (YAFS) noong 2012, ang teenage pregnancy sa Cordillera ay halos 18 porsiyento na kung saan ito ang may pinakamataas. Saad pa niya, na ang bilang ng teenage pregnancy cases sa Cordillera ay patuloy na bumababa.
Gayunpaman, sa halos anim na taon, ang CAR ay nasa pangalawang pinakamababa ang bilang ng kaso ng teenage pregnancy, ayon sa resulta ng National Demographic Health Survey na inilabas ngayong taon.
Ilan sa mga ipinatupad ng Department of Health ay ang pagtatag ng Adolescent and Youth Health Development Council, kapartner ang iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno, upang magkaloob ng komprehensibong gabay at serbisyong pangkalusugan sa kabataan. Sinasanay din ang mga health officers kung paano ang pakikitungo sa mga buntis na teenager para hindi matakot ang mga ito na magpunta o bumisita sa center. Nagbibigay din sila ng reproductive health services. JEZZA MAEH NAGAYOS, UC INTERN / ABN

Amianan Balita Ngayon