Habang sinusulat ang Daplis ngayon (Setyembre19), patuloy ang isinasagawang Senate hearing (Blue Ribbon Committee) hinggil sa GCTA at mga nangyayari sa Bilibid o BuCor. Naisama pang naungkat ang hinggil sa bentahan ng droga mula sa mga nakukumpiska ng mga otoridad.
Ito ay ulat na mismong pinanindigan ng dating CIDG head na si Mayor Benjamin Magalong nang isinalang sya sa hearing bilang karagdagang ebidensiya sa ulat ng PDEA hinggil sa recycling ng droga na ginagawa diumano ng mga tiwaling alagad ng batas (PNP).
Idinagdag pa ni Mayor Magalong na may mga aktibo pa ring pulis na sangkot sa bentahan ng droga sa ngayon. Humingi rin si Magalong ng executive session para pangalanan ang mga tiwaling pulis.N ang tanungin ni Sen. Drilon kung matataas ang katungkulan ng mga tiwaling pulis, sagot ni Magalong na totoo, mga matataas na opisyal sila ng PNP.
Inamin pa ni Magalong na sa mga raid na ginagawa ng mga pulis na may masasakoteng droga, itinatago nila ang mas malaking parte at kakarampot lang ang irereport. Yon ang gamit sa pambenta. Mga dalawampu’t limang taon na raw ang kalakalang ito (recycling ng droga).
Lahat ng pagbubulgar ng dating Heneral (Benjamin) ay laman sa isinumiteng affidavit sa Senado upang mapag-aralan lalo ang mga nangyari sa Bilibid na maraming sangkot hinggil sa iniimbestigahang anomalaya.
Ang masakit kasi, noong 2014 raid sa NBP, hindi na isinama ang PNP-CIDG. Panahon yan noon ni dating Bucor head Gen. Bucayo at dating DOJ Secretary de Lima.
Ayon sa mga analyst: masakit sa panig ng PNP-CIDG dahil kasama sila sa pagplaplano sa malakihang raid sa Bilibid pero hindi sila isinama sa naturang raid.
Sa panig ni Mayor Magalong, hanggang ngayon palaisipan pa rin sa kanya kung bakit hindi isinama ang PNPCIDG sa raid. Yan din ang tanong ng taumbayan.
******
Balik-tanaw lang, pards: Nasibak sa puwesto si dating Bucor head Faeldon at hanggang ngayon ay wala pa itong bagong trabaho. Pero sa kabila ng lahat na hindi siya sumunod sa utos ni Pres. Duterte, may tiwala pa rin daw ang pangulo sa kanya at hindi na siya bibigyan ng panibagong assignment o puwesto.
Nakataas naman ang maraming kilay ng masa na parang hindi makapaniwalang di na bibigyan ng puwesto si Faeldon. At siyempre, kapag nabali ang pangako tiyak babagsak din ang mga kilay na yan.
Ala-ala pa natin ang isang “joke” – na noong nasa Bureau of Customs si Faeldon, may nakalusot na mga ilegal na droga; tapos inilipat siya sa Bureau of Correction – napalaya ang maraming inmate na may kinalaman sa droga; kaya kung siya raw ay malilipat sana sa MMDA, siguro mawawala daw ang trapik sa Edsa.
Ibig bang sabihin na kung saan siya ililipat na ahensiya baka meron na naman daw “mawawala” o baka may bago na namang kontrobersiya?
May bumulong: baka nasilang ito na may kakambal na malas. No comment.
******
Sa basbas ni President Duterte, may bago na tayong hepe ng BuCor sa katauhan ni Gerald Bantag. Agad namang tumalima si DOJ Secretary Menardo Guevarra at inatasan si Bantag na linisin ang Bilibid. Sino ba itong si Bantag?
Ayon sa mga ulat siya ay may kaso (kinumpirma din ni Pres. Duterte) dahil sa pagkakasunog noon ng isang bahagi ng Paranaque Jail at may sampung inmate ang namatay.
May nag-joke: baka naman ayaw ni Bantag na may naiiwang dumi kaya tinusta ang Paranaque jail. Eh, baka naman aabuhin niya ang lahat sa Bilibid? May daplis daw si Sen. Bong Go na ang kailangang mamuno daw sa Bucor ay isang taong kayang pumatay.
Grabe na ang bigat ng mga kaaliwaswasan sa Bilibid pero parang gusto pa nilang laruin ang solusyon. Aabangan na lang natin kung ano naman ang magagawa ng bagong Bucor chief.
Iisa lang ang tiyak na resulta: kung hindi solved ang problema natural, lalala pa. Adios mi amor, ciao, mabalos!
September 17, 2019
September 22, 2019
February 10, 2025
February 1, 2025
January 27, 2025
January 12, 2025
January 4, 2025
December 28, 2024