Boracay, tutuluyan nang isasara!

Ganern??? Tuloy na talaga ang pagsasara sa buong Boracay? Oo daw, pards. Sa Abril 26, totodasin na ang mga illegal na gawain dun. Tsk tsk, tiyak malaking yurak at sagasa ito sa mga negosyante  sampu ng mga turista. Pero teka lang, tiyak marami ang gustong maki-tsismis sa isyu dine.  Sige, upakan natin.

**********

Nang dahil sa mala-paraiso raw na kabuuan ng Boracay, sinikap ng naunang mga opisyales dito at mga negosyante (dayo at lokal na residente) na pagandahin upang lalong dagsain ng mga turista.  At parang kidlat ngang nakilala sa buong mundo ang karisma ng islang ito.  Siyempre dumami ang patrabaho at umunlad ang lugar. Nag-ala malaki at maunlad na siyudad ang  munting isla at limpak na salapi ang inakyat.  Ewan lang natin kung saan umakyat ang kita riyan. He he, kasama yan sa mga iniimbestigahan ngayon. Dapat lang na sa pagsasara, lahat ng mga bagay mula noon hanggang  ngayon, hindi lang sa kalinisan kundi legalidad ng paggamit sa lupaing pag-aari ng gobyerno ang dapat tignan. Sabi nga, marami palang nakalusot o napalusot na isyu sa sikat na islang ito, ayon sa naglalabasang mga pagbubulgar at mga sisihan.

**********

Kapag nagsara ang buong Boracay natural maraming negosyante (malalaki at maliliit) ang malulugi, sabi nila.  Maraming mga empleyado ang pansamantalang mawawalan ng trabaho. Ito naman ang binabantayan ng mga ahensiya ng gobyerno upang di gaanong maapektuhan ang buhay sa isla.  Ang kapalit, ika ng administrasyon, ang mas maganda at kaaya-ayang tourist destination ng mundo na walang sablay at illegalidad lalo na sa kalinisan. Kasi nga naman, aanhin mo ang paraiso kung ang katabi mong maligo ay dumi na mula din sa mga panegosyo sa lugar? Isang nakakadiring eksena yung sarap na sarap kang nagtatampisaw sa dagat nang bigla kang mabundol ng mga lumulutang na dumi mula sa mga palikuran?  Ngee!

**********

Tapik naman ng  marami: bakit Boracay na lang ba ang magandang destinasyon ng mga turista sa ating bansa? Sus ginoo! Marami ang magaganda, baka mas maganda pang mga lugar sa bansa ang dapat mapuntahan ng mga turista.  Dito na lamang sa Norte, sandamukal ang mga resort na magaganda at puwedeng ituring na world class. Kulang lamang sa promosyon kasi.  Ang tanong: ang mga lugar kayang  ito (North Manila) ay tutumbukin din ng paglilinis ng katulad sa gagawin  sa Boracay?  Totoong hindi ligtas ang Baguio City na pag-usapan hinggil sa kalinisan ng mga tourist destination. Sagot naman ng HRAB na compliant sila sa lahat ng tuntunin sa malinis na pasyalan at serbisyo.  Daplis ng marami: wala namang dagat sa Baguio o Benguet na maaaring ma-pollute o madumihan dahil sa sewer. Maayos naman ang sewer lines sa lungsod di gaya ng mga napapaulat sa ilang mga resort sa lowlands lalo na sa Boracay. Sabagay, napapanahon na sonahin na pamahalaan ang lahat ng mga tourist destination sa bansa upang maging mas matatag ang ating turismo.

**********

Hirit na tanong: rehab lang ba ang gagawin sa Boracay? Sa mga illegal o mga paglabag na nangyari, meron kayang mga dapat panagutin? Tiyak maraming nagpabaya kung bakit nagkaroon ng mabigat na problema  ang islang ito. Sila kaya ay mapaparusahan? Sana walang palakasan. Sana walang sisinuhin. Dapat patas ang laban. Umaasa kami sa pagsilang ng bagong Boracay na wala na ang katas ng CR! Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon