LUNGSOD NG BAGUIO – Waring nabigyan ng panibagong lakas at pag-asa ang mga nagtataguyod sa matagal nang inaasam na autonomiya ng Cordillera Administrative Region matapos na inihayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bibigyan ng pantay na pansin ang isinusulong na autonomiya ng rehiyon at Bangsamoro.
Malakas na palakpakan ang tinanggap ni Baguio Mayor at Regional Development Council (RDC) Chairman Mauricio Domogan nang ibinalita nito ang ibinigay na commitment ng Pangulo sa naganap na Seminar on Political Awareness & Public Communication na pinangunahan ng Cordillera Association of Regional Executives (CARE) noong Hulyo 19 sa lungsod.
Ganito rin ang inani na reaksyon mula sa tinatayang 120 political leaders ng rehiyon na dumalo sa RDC meeting kasama si Pangulong Duterte sa Malacañan Palace noong Hulyo 18.Ani Domogan, “He will support us and give importance to pursue (autonomy), the same with that of Mindanao.”
Paliwanag ng mayor na kahit hindi sinabi ng Pangulo ang mga kataga na nais nilang marinig, na hayagan nitong ideklara bilang priority bill ang proposed autonomy ng Cordillera at isasama ito sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), ang sinabi ng Presidente na “parehas na din sa Bangsamoro” ay sapat na upang ipahiwatig na sinusuportahan nito ang autonomiya ng rehiyon.
Binanggit ni Domogan ang kaugnayan nito kay Pangulong Duterte na aniya ay nagsimula nang mayor pa lamang silang dalawa. “We were together in Japan for a seminar. We represented the mayors and I got to know him personally.”
“He is one who does what he says,” saad ng mayor.
Pinangunahan ni Mayor Domogan ang delegasyon ng Cordillera sa isang private meeting kay Pangulong Duterte upang personal na iulat ang nagkakaisang paninindigan ng lahat ng probinsya sa rehiyon na isulong ang autonomiya.
Nagbigay din si Domogan ng briefing tungkol sa House Bill 5343, “An act establishing the autonomous region of the Cordilleras”, na nakabinbin ngayon sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Noong 1986, nilagdaan ni dating Pangulong Corazon Aquino ang Executive Order 220 na nagtatag sa Cordillera Administrative Region bilang paghahanda sa pagiging autonomous region nito. Dalawang panukalang batas na ang naipasa sa Kongreso para sa autonomy law, ngunit hindi inayunan ng mga botante ng rehiyon.
Sa malawakang information campaign na ipinapatupad upang bigyan ng sapat na kaalaman ang mga mamamayan tungkol sa Cordillera autonomy, “we are confident that this time, the constituents will give a positive vote,” nauna nang pahayag ni Domogan.
Sinabi rin nito na di gaya ng mga nakaraang kabiguan sa pagboto para sa autonomiya, lahat ng kongresman sa Cordillera ay kasamang nag-akda sa HB 5343, at may suporta ng lahat ng mga gobernador at mayor, maging ng malaking porsyento ng mga residente. Ngunit, saad ni Domogan, magpapatuloy pa rin ang information campaign upang mapalalim pa ang pang-unawa tungkol sa autonomiya sa buong rehiyon. Liza T. Agoot/Pamela Mariz Geminiano, PNA / ABN
July 23, 2017
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024