COIVD-19…Sinamantala ng mga ganid!

Daplis Walang Mintis

Mariakusina….Pandemya na nga…sangkatutak pa ang mga nagsulputang mga ganid. Di ba malaking kalintikan ire? Sa halip na tumulong sa kapwa, inaagawan pa ng lamang-bituka. Kaya ang talagang terminolohiyang dapat sa mga ganitong tao ay MGA GANID! Kung papano nabubuhay ang mga hunyangong mga ire…isaisahin nating halukayin. Pero bago sa lahat, salamat sa mga kababayan nating tunay na tumutulong at nagmamalasakit upang di gaanong daganan ng stress dahil kay Covid-19:

Unahin natin ang pangunahing kinailangan natin nang pumutok ang delubyo ni Covid-19: face mask na kung saan ang bentahan ay kartonan at bihira ang bumibili ng paisaisa dahil baka raw maubusan.

Dito na nanakal sa presyo ng mga hinayupak na mga ganid. At dahil kailangan at takot magkasakit…kinagat na ang mataas na presyo. Yan ay noon. Pero sa ngayon, kulang na lang na ipahingi dahil halos wala ng bumibili kasi may mga face mask na ngayong nalalabhan.

Pangalawa ang face shield. Umabot pa sa halos isang daan ang isa ang bentahan noon. Pero nang makabili na ang taumbayan, natural naging matumal na ang kita. Ibinaba ang presyo sa singkuwenta hanggang sa naging samping peso na lamang. Tsk tsk…tiyak na nanganga ang mga sakim na mga negosyante, hindi sa nilalahat.

Sumunod na kontrobersiya na napasukan ng mga ganid ay ang bentahan o pagbili ng mga test kits. Limpak ang kinita ng mga suwapang sa biglaang kita.Pero nasilipan ang ilan. Ang resulta, may kaso sila ngayon.

Mga taong-gobyerno ang ilan sa mga idinawit sa gawaing illegal dahil lamang sa misyong kumita ng limpak. Nademonyo sila sa tamis ng dila ng mga demonyong negosyante at gusto ng biglang yaman operandi. Ang mga kumagat, supalpal sila ngayon at may kahaharaping asunto.

Nakakahiya, di ba? Sa halip na makatulong sa panahong ito ng pandemya, dagdag pa silang mga salot sa ating lipunan. Sana maparusahan silang lahat maging sino pa man sila at kahit ano pa ang kanilang katungkulan at koneksiyon sa lipunan.

Hindi pa tapos ang pananakmal ng mga ganid, pards sa puntong ito dahil pati na ang swab test ay kanilang napasukan. Ang masakit, sa tindi ng singilan…ang kawawa ay mga biktima rin ng pandemya na gustong magkaroon ng hanapbuhay. Kawawa na nga ang mga biktima ni Covid, lalo pa nating kinakawawa. Di ba kalahi pa natin ang nanggigisa sa atin sa sarili nating mantika na di naman sana dapat.

Sana, masilip sila ni Lord at maitapik sa mga concerned govt. agencies na sila’y imbestigahan at maparusahan. Hindi lang yan ang mga mudos na nabuking nitong pandemya. May mga ulat na dahil marahil sa pandidiri o anumang sarili nilang rasones…may mga dinadala sa mga pagamutan na hindi tinanggap hanggang sa mamatay na lang sa daan. Di ba isang nakakaawang tanawin?

Kumakawag na’t nangingisay ang pasyente, pero hinayaan pang mamatay. Kumilos din naman ang ating pamahalaan pero hindi daw lahat ay natumbok. At dahil sa mga situwasyong mahirap maipaliwanag…nagsulputan tuloy ang mga negosyante na kung ano-ano na ang kanilang ibinibenta para magamot o panlaban sa Covid na ang masaklap, marami naman ang kumakagat at bumibili.

At dahil sa Covid, nauso ang plantita at plantito na kulang na nga lang na pati punong akasya at narra ay ilagay na sa paso at ibenta. Pati nga mga inaapak-apakan lang na damo at ipinaso na. Kesyo ito raw ay suwerte at nakakagamot. Sus ginoo. Pero teka, bakit marami ding bumibili? Hayy naku…yan nga ang sinasabi nating nagsulputan ang mga ganid dahil sa takot kay Covid-19.

Mga mapagsamantala, makonsensiyensiya naman kayo. Hindi pa huli upang magsisi at magbago. Adios mi amor, ciao, mabalos.