COVID Pandemic ba or Pan-Demonyo?

Anak ng demonyong Covid…sandamukal na ang mga samutsaring tsikahan ng mga maiigsi at mahahaba ang dila, pero, lalo pa yatang sumisikat si Covid19. Sa halip na matunaw ito sa kababanat, para yatang lalong nagliliyab.

Aba’y mantakin mong sandamukal na ang mga biktima nito sa ibabaw mundo. Luma na ang pinagmulang Wuhan, China dahil tinalo na sila ng ibang lugal kung bilang ng namatay ang usapan at bilang ng mga nagpositibo.

Nariyan ang Italya, Pransiya at pati na Espanya. Hindi na biro ang bilang ng mga tinamaan. Sandamukal na ang mga negosyong nangalugi. Marami ang nawalan ng hanapbuhay.

Tuliro na ang maraming gobyerno kung papano eto bakahin. Pero ang tanong: sa tagal na ni Covid-19 na nananalasa…bakit parang makupad yata ang mga hakbang upang matumbok ang tamang giya para makalikha ng angkop na gamot kontra dito?

Nariyan ang mga naglalakihan at mayaman sa teknolohiyang mga bansa gaya ng Russia, Amerika, Japan, Europa at iba pa…bakit hanggang ngayon, wala pang konkretong gamot kontra Covid-19?

Totoo kaya ang sabi ng mga matatanda, na naitakda na noon pang sina-unang panahon ang mga nagaganap ngayon. Nasaiba’t-ibang pahina at kalatas ng Banal na Aklat ang lahat, ayon sa mga palabasa. Ito na kaya ang senyales ng sinasabing “ang pagbabalik”

******
Ang pinakahuling sisihan dahil kay Covid ay si Sen. Koko Pimentel. Kinakaitaan kasi ng pagpapabaya at nilabag nya diumano ang tuntunin o protocol sa ganitong kontrobersiyang karamdaman. Bagma’t, may sarili itong rason na ayon sa kanya ay makatwiran, malayong nakararami ang nanuri na tamang upakan siya sa kanyang pagkakamali.

Ngunit sa ganang atin, yan ay isang tinik lang sa lalamunan at malayo pa sa bituka. Ang dapat pagkaisahan ay kung papano natin matutulungan ang mga nangangailangan nating mga kababayan. Sa halip na magsisihan at maghanapan ng sala…magkaisa tayong magkabigkis-bigkis kontra Covid na sakit.

Kung tao lang sana ireng Covid-19 na ito, durog na siya sa kamay natin. Pero hindi ito nakikita. Nariyan lang sa tabi. Kumakalawit ng masisila at mapapatay na para bang naniningil ng pautang sa sansinuklob. Tuloy, may nauliligan tayong haplos: totoo kayang ito ay pahimakas upang luminga tayo at tumingala upang tanggapin na tayo’y lumalabis na’t nakakalimot sa ating Poon.

Tuloy ala-ala muli namin ang sinabi ng isang seruhano ng simbahan: hindi tamang tanungin kung nasaan ang Diyos sa panahong ito ng kalamidad. Kundi tanungin daw natin ang ating sarili – kung nasaan tayo? Hindi daw kaya tayo ang nawawala sa landas na ibinigay ng Diyos sa atin upang tuntunin dahil siya (Diyos) ay totoong laging nasa ating tabi at hindi tayo iniiwan.

Sa mas kolokiyal na latag, halawin natin ang sinabi kamakailan ni Pangulong Duterte na: “huwag matigas ang ulo. Manatili sa bahay”. Simple lang para sa ating kaligtasan. Pero ang buntot na tanong: sumusunod ba tayo sa ganitong adhikain o patuloy tayo sumusuway. Yan na nga ang masakit…sa ating pagsuway at maharap tayo sa parusa…gobyerno pa ang masama.

Dapat baguhin na atin ang temang ito, kabayan. Huwag na nating dagdagan pa ang bilang ng mga biktkima ni Covid-19. Andiyan na ang problema…tayo ang solusyon.

Sabi nga ng banal na aral: tulungan mo ang iyong sarili at tutulngan kita. Magkaisa tayong dumalangin para sa kaligtasan ng sangsinuklob.

Adios mi amor, ciao, mabalos!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon