Dahil sa COVID… Pati Utak Natutusta!

Daplis Walang Mintis

Grabe na talaga itong Covid-19 na ito. Kung anu-ano na ang nangyayari sa daigdig. Dahil sa takot sa virus na nagresulta ng gutom…marami na raw ang nabuburyong. Ang masakit, hindi na lang sa patalim kumakapit. Pati na sa bulsa ng may bulsa. Kita naman natin sa usapang relief palang…tumitindi na ang gawaing demonyo.

Marami ang nagiging suwapang, gahaman, at garapal kung kumurakot. Pakapalan na ng sikmura at mukha basta’t meron lang madakmang grasya. Sa ganitong panahon, marami ang nagsasabing mahihirap daw sila, pero sa likud kaliskis-buwaya naman pala.

******
Kaliskisan na lang ninyo ang mga eksenang ito: nang matanggap ang SAP na ayuda mula sa ating pamahalaan, ayon at hari na siya ng sabong, bingo, tong-it at kung ano-ano pang sugal. Yong iba, pustador agad sila sa mga illegal na tupada. Ang masakit, yong iba, pinambili ng luho mga gamit pangkolorete.

Yong iba naman para daw maiba, pinambili ang kanilang SAP ng kung ano-anong gamit sa bahay na di naman kinakailangan para maipakita sa mga kakilala na siya ay naayudahan kahit hindi naman kuwalipikado. Yon bang feelings ng ilan ay one-day millionaire na sila at nanalanging tatagal pa sana ang Covid para may matatanggap pa silang ayuda.

Yan ang mga utak-sardinas, upak ng mga mahilig umismid. Papanong di utaksardinas, hindi lang sa talamak ang relief na sardinas kundi…walang ulo ang isdang nasa lata, iniwan ang utak sa labas. O, di ba ganyan ang kalimitang utak ng ilan nating kalahi sa ganitong panahon ng kalamidad?
******
Panahon talaga ng pagsasamantala tuwing may kalamidad, pards. Yon na lang madaling araw pa lang, nakapila na dahil feeling niya ay mahirap daw siya kahit nagdudumilat sa balat ng lupa na siya ay maalwan naman.

Nagdudumilat na nga ang kabukingan niya, pinagpipilitan at pinangangalandakan pa niyang kuwalipikado siya para sa ayuda. Pakiramdam niya, parehas tayong biktima ni Covid-19…mahirap o mayaman kaya diskartehan na lang daw. Pero tayo’y sumasaludo sa iba nating kalahi na nakatanggap ng SAP at nagsuli dahil nakonsiyensiya, tunay kayong bayaning Pilipino.

Hindi kayo mapagsamantala. Hindi kayo gahaman sa pera o ayuda. Dama nyo ang pangangailangan ng mga totoong naghihirap at nangangailangan ng ayuda.

Inuulit namin, kabayan….sa mga kaparis mong honest at may pagmamalasakit….saludo kami sa inyo. Pero sa mga buwitreng ibinulsa ang hindi nararapat na para sa kanya…baka mas masakit ang karma. Hindi natin puwedeng itago ang bawat baho. Sisingaw at sisingaw
din yan.
******
Maraming eksena ng pagsasamantala ang ating naobserbahan nitong panahon ni Covid-19. May nagtataas ng presyo. Meron din nagtitinda ng mga pekeng gamot daw ng virus para kumita ng limpak. Meron ding taga-lakad daw ng ayuda, pero kahati siya. May mga opisyales naman ng barangay na kulang na lang na pati surot na nakatira sa kanilang bahay ay inilista parasa ayuda.

Ang pinakagrabeng eksena ay yong pumila ka at nang nasa bukana ka na ng SAP, nalaman mong may kumuha na sa ngalan mo. Pero ang mas pinaka-grabe, bulong nila….papano daw nagkaroon ng SAP ang matagal ng patay? Maryusep! Iba na talaga ang kasuwapangan sa daigdig.

Yong buhay, napagkakaitan ng ayuda, pero yong patay, nakatanggap! Anak ng Covid! Sige lang kayo….hindi kayo makakapagtago sa timbangan ng hustisya lalo na sa taas. Magbago na kayo. Pero kung ayaw ninyo, hindi namin kayo mapakikialaman. Amen. Adios mi amor, ciao mabalos!