DELTA VARIANT CASE, UNANG NAITALA SA APAYAO(Baguio, pinalawig pa ang travel ban)

BAGUIO CITY – Nakapasok na sa rehiyon ng Cordillera ang kinatatakutang Delta variant at unang naitala ito sa bayan ng Pudtol, lalawigan ng Apayao, noong Agosto 6.
Iniulat ng Provincial Inter- Agency Task Force sa pamumuno ni Governor Eleanor Bulut-Begtang na isinailalim na sa lockdown ang bayan ng Pudtol, makaraang ipaalam ng Philippine Genome Center (PGC) noong Agosto 6, na isang Delta variant case ang naitala sa nasabing bayan.
Ayon kay Begtang, ang PIATF at Pudtol AITF ay agad nagsagawa ng contact tracing activities sa mga individuals na nakasalamuha ng nakumpirmang may Delta variant case at ang mga ito agad na isinailalim sa RT-PCR testing.
Aniya, ang Delta case ay natuklasan sa isinumiteng specimens sa PGC mula sa isang confirmed case noong nakaraang buwan. Ang nasabing confirmed case ay fully recovered na noong Hulyo.
“Bagama’t sa hindi inaasahang insidente, the situation is under control. Panawagan ko sa mga residente na doble pag-iingat at iwasan ang paglabas ng bahay, kung hindi naman importante at panatilihin ang health protocols, social distancing and practice of proper hygiene at all times,” panawagan ni Begtang.
Sa Baguio City, pinalawig pa ni Mayor Benjamin Magalong hanggang Agosto 15, ang pagsuspinde sa non-essential travels,kabilang ang mga turista sa Summer Capital,maliban kung ang kanilang pinanggalingan ay ligtas laban sa banta ng COVID-19 Delta variant.
Sa ipinalabas na Advisory No. 08-2021 noong Agosto 6, ipinaliwanag ni Magalong na “the extension of the temporary suspension of non essential travels from all areas is appropriate and necessary, especially so that this is a crucial time to fully assess actions on border management, contact tracing, and patient management in all health facilities.”
“Muli akong nanawagan sa ating mga residente na iwasan o limitahan ang pagbibiyahe palabas ng lungsod, maliban lamang kung ito ay napakahalaga.Doblehin natin ang pag-iingat at patuloy na isagawa ang health protocols sa lahat ng oras,’ pahayag ni Magalong.
“Due to the higher transmissibility of the Delta variant, we must take necessary steps to mitigate its impact in our community.”
Inirekomenda din ni Magalong ang pagsuot ng dobleng face masks at pagbabawas ng manpower capacity sa mga workplaces. “Wear double masks and reduce the number of workers by 50 percent at any given time by doing shifting, work-from-home or any other scheme that will work best for the establishment,” pahayag ni Magalong.
Sa report ng Department of Health, pumalo na sa 450 Delta variant cases sa bansa, matapos maitala ang karagdagang 119 noong Agosto 6. Sa 119 Delta variant cases, 93 ay categorized as local transmission, 20 are Returning Overseas Filipino (ROF) at ang 6 ay beneberipika pa kung local o’ ROF cases.
Ang 119 nakumpirmang Delta carriers ay 31 mula sa Western Visayas; 18 sa Metro Manila; 18 sa Central Luzon; 14 sa Calabarzon; 8 sa Mindanao at tig-isa sa Central Visayas, Eastern Samar, Zamboanga Peninsula at Cordillera.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon