DOH stats mas maraming bata kaysa matanda ang may virus-Imee

LAOAG CITY, ILOCOS NORTE — Hindi dapat ma-‘house arrest’ ang lahat ng mga senior citizen sa ilalim ng umiiral na community quarantine, dahil mas maraming bata kaysa matatanda ang tinamaan ng COVID-19 kung pagbabasehan ang datos ng Department of Health, ayon kay Senador Imee Marcos.
“Bakit ang senior citizen ang pinag-iinitan sa ‘house arrest’ o sa quarantine restrictions? Eh, bukod kasi sa data ng Department of Health (DOH), kaming mga senior citizen ay buhay na pruweba na kami ay malakas pa ang pag-iisip at pangangatawan para labanan ang pandemic,” ani Marcos.
Tinukoy ni Marcos ang datos ng DOH na inilathala online ng University of the Philippines kung saan ipinakikita na sa apat na top group na may maraming kaso ng virus, ito ay mula sa 21 hanggang 30, 31 hanggang 40, 41 hanggang 50 at 51 hanggang 60 years old.
Habang ang ang senior citizen na mula 61 hanggang 70, 71 hanggang 80 years old ay nasa ranggong pang-lima hanggang pang-anim na tinamaan ng virus at bihira o kakaunti lang ang mga tinamaan ng virus na edad 81.
“Ito ay pagpapakita lamang na bago gumawa ng anumang patakaran hinggil sa mga pagbabawal o mga quarantine restrictions, kailangang pagaralan muna nang husto at ipakita sa publiko ang detalyeng pinagbasehan.
Dahil kung hindi, babalik rin sa pamahalaan ang sisi ng publiko sa mga malabong patakarang ipatutupad ng gobyerno, “ pahayag pa ni Marcos.
Inihayag ni Marcos na bagamat sinabi ng mga health expert sa buong mundo na mas madaling tamaan ng viral infection ang mga senior dahil sa mga sakit na taglay nila dulot ng katandaan, kakaiba naman ang sitwasyon ng mga matatanda sa Pilipinas.
Sinabi ni Marcos na dahil sa mga kritisismo sa mga plano na panatilihin lang sa bahay ang mga senior citizen, napilitan ang gobyerno na linawin na pwede naman palang makalabas ng bahay ang mga matatanda para bumili ng kanilang mga pagkain at mga gamot kapag walang gagawa nito para sa kanila.
Pinapayagan rin anya ng pamahalaan na makabalik sa trabaho ang senior citizens kung kasama ang kanilang mga kumpanya sa pinapayagang magbukas ng operasyon sa pagtatapos ng community quarantine sa Mayo a-kinse. (30)
 

Amianan Balita Ngayon