DROGA, DROGA AT DROGA PA!!!

Sandamakmak na ang mga krimen sa ating bansa na ang itinuturong salarin ay DROGA. Ilang
administrasyon na ang nag graduate pero nasa honor roll pa rin ang isyu ng droga. Ilang dekada na ang dumating at dumaan, pero nariyan pa rin ang higanteng problema sa droga. Ang tanong: BAKIT??? Bago natin balikan ang isyu ng droga…pasadahan lang natin mga kaDaplis ang nangyaring sunog sa ating lungsod kamakailan. Biktima ng sunog ang Blocks 3 at 4. Tupok ang gusali ng block 4 kung saan sa silong ay gulayan samantalang ang taas ay ukay-ukay at kainan.

Sa block 3 naman ay ang isdahan lang sa baba ang di gaanong naapektuhan pero sa gulayan at sari-sari..tupok din. Kasama na ang extension ng karnehan sa gilid ng Hilltop Road. Marami sa mga negosyanteng biktima (mahigit sa 1,500 ayon sa ulat) ang pansamantalang nasa mga kalsada na
nagtitinda. Di naman nagpabaya ang lokal na gobyerno at sila’y inaalalayan hanggang sa ngayon. Ayon kay City Administrator Bonnie, kinakailangan pa rin nila ng mga kahoy, yero at pako para sa pagpapatayo ng mga pansamantalang silungan ng mga nasunugan.

Sa katunayan nga, hindi na mahagilap ang City Mayor ng Baguio Benjie Magalong dahil laging nasa
nasunog na lugal at pati nga siya ay nakikibuhat na rin para malinisan ang ga-bundok na pinsala. Iisa ang hangarin ng lungsod: maibalik muli ang negosyo ng mga nawalan at magtulung-tulong sa muling pagbangon. Payo nga ng ama ng lungsod: huwag ng makalat pa ng mga maling istorya…tumulong na lang. Sa ngalan ng espasyong ito, ating sinasaluduhan ang lahat ng ating kababayan – mapa-gobyerno at pribado na nagkapit-bisig sa nangyaring pagsubok sa ating katatagan.

Ganyan din noong 1990 ang ating katatagan, nang tayo’y sinalanta ng malakas na lindol at tayo’y nakabangon naman. Ang pagkakaisa at pagmamalasakitan ang sandata…hindi ang pagsasamantala. Balik droga tayo, mga pards. Parang anay sa kahoy o kalawang sa bakal ang turing na natin sa isyu ng illegal na droga sa ating lipunan. Sa nakaraang administrasyong Duterte…nagkaroon noon ng “operation tokhang” bilang isa sa mga programa upang bakahin ang illegal na droga.

Pero hindi naging sapat upang mapunas. Katunayan nga, dahil sa mga hakbanging masawata ito,
nagbunga pa ng mga asunto na ibinabato laban sa naturang administrasyon. Tanong: kailan kaya natin mapupuksa ang illegal na kalakarang ito? Ginawa na kasing negosyo, sabi ng ilan. Marami nangangalakal pati na ang mga dapat ay kabisig kontra sa droga. Di lingid sa atin na sa mga nakaraang mga dekada, may mga nadadawit pang mga taga-patupad ng batas. Daplis ng ilan: kulang yata kasi ang talim ng ngipin ng ating mga batas hinggil sa droga. Sabat naman ng iba: hindi lang kulang sa talim, wala na yata itong ngipin.

Tinalo ng mga pangil ng malalaking buwaya sa bisyong ito. Tanong muli: ilan pa kayang buhay ang
mawawala at ilan pa kayang pamilya ang masisira dahil sa droga? Kung malamya ang batas, bakit di palakasin? Marami tayong magagaling at magigiting na mga mambabatas…sana sila’y magising at tutukan ang problemang ito na naging salot na sa lipunan. Sabi ng marami: hindi matitigil ang kalakaran ng illegal na droga habang may pinanggagalingan. Nariyan lang sa tabi natin habang may gumagamit at kumikita ng limpak.

Dalangin: sana sa panahong ito ng rehimeng Marcos ay may makikita tayong sinag kontra sa
droga. Hindi lang sana at pangako. Ang kailangan natin ay gawa at resulta. Bato-bato sa langit. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon