Faeldon, sibak na!

Mula nang pumutok ang kontrobersiya hinggil sa paglaya ng mga preso dahil sa GCTA law, marami ang nakapuna na medyo tahimik ang Malakanyang. Ang hinala, baka naghihintay lang daw ng tamang panahon bago ibuka ang bunganga. At kamakailan (Sept. 4,2019) pumutok na ang bulkan!

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang bumanat. Dahil sinuway daw ang kanyang utos, nagdesisyon na siya (Duterte) na sibakin si Bureau of Correction Director Nicanor Faeldon.

Parang kulog na sumabog ang ngitngit ni Pres. Digong. Maala-ala na nang isalang sa Senate inquiry si Faeldon, tahasang sinabi na hindi raw siya magreresign at susunod siya kung ano ang “say” ng Pres. Duterte. At andiyan na ang “say” ni Digong – sibak na siya o magresign na siya immediately. Meron pa kayang hirit si Faeldon sa order na ito?

******

Sa press conference sa Malakanyang, tahasang sinabi ni Pres. Duterte, “He should have echoed my orders to him.

No releases, sabi ng Office of…huwag na ako…Office of the President, until further notice by Higher authorities. Higher authority could only mean Medialdea, Guevarra, at ako. Wala akong pakialam. Pag sinabi na may release, sabi ko – hindi yan tama.

It was in the dead of the night. Sabi ko, Wake him up. Tell him no releases. Wala akong pakialam kung na-sign o hindi. Basta ako, sinabi ko no releases. I said no releases but what he said was a computation. May apoy na nga, eh. I was trying to provide the fire extinguisher para wala ng magduda ‘yung tao. No releases. Eh, kung sinabi niya yan, di wala na sana.

Ang ginawa niya, he tried to justify ang computation nila, which may be correct by the way. Hindi naman mga bobo eh. But the problem is there was a fire burning and pag sinabi ng Presidente hintay ka until further orders, ang ibig sabihin noon, mag-imbestiga ako in a jiffy.

An investigation, ask persons about what really happened then I can make the decision. But I have to yet—as yet I have to talk to itong si…pati si Sec. Guvarra. Ang problema niya, kinabukasan he came up with the statement with his own computation. Kung sinabi lang niya yung sinabi ko, tapos na.”

Tsk tsk..pasensiya na mga pards, ganyan ang estilong magbitaw ng mensahe ang ating Pangulo pero maliwanag ang punto at malaman.
******
Tanong: ngayong sinibak na si Faeldon sa Bucor kasunod ng utos na dapat magsagawa ng masusing imbestigasyon sa naturang pangyayari, ibig bang sabihin na puwede pa siyang ilipat (Faeldon) sa ibang ahensiya? Wala na ba siyang dapat panagutan? Sa halos dalawang libong preso na napalaya dahil sa GCTA law na iniutos na ng Pangulo na dapat bumalik sa Bilibid, di kaya masalimuot na naman ang prosesong ito? Di kaya para tayong dumadaan sa butas ng karayom?

Sigaw nga ng iba, kapag naibalik ang mga PDL (Persons Deprived of Liberty) dapat ay isama na daw sa kulungan ang mga mapapatunayang empleado o opisyales ng BuCor na nagkasala o may kinalaman sa release.

Habang nasusulat ang Daplis, sala-salabat na ang mga maaanghang na mga kumento at mga hinala. Daplis nga ng ilang senador sa (senate hearing) na baka may gumalaw na “lagayan” sa release ng mga malalaking isda sa loob ng bilibid.

Haayy buhay…marami pang kontrobersiya sa usaping ito. Abangan na lang natin. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Baguio Day Parade

Amianan Balita Ngayon