Imee: Taas singil sa kuryente at tubig barometro sa 2022 election

Inaasahang malaking epekto ang magiging resulta sa mga mga kandidato ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nakatakdang 2022 presidential elections kung hindi mabibigyan ng solusyon ang
problema sa mataas na singil ng kuryente at tubig sa panahong patuloy ang pananalasa ng COVID-19.
Ito ang babala na ginawa ngayon ni Senator Imee Marcos matapos halos “magrebolusyon” ang mga customer ng Meralco, Maynilad at Manila Water dahil sa sobrang taas ng paniningil ng mga ito sa kinukunsumong kuryente at tubig sa nakalipas na tatlong buwan simula ng ideklara ni Duterte ang lockdown.
“Naku, siguradong maaapektuhan ang mga kandidato ng administrasyon na tatakbo sa 2022 presidential elections dahil dyan isyu ng kuryente at tubig. Sobrang taas ng billing ng Meralco, Maynilad at Manila Water. Pano nangyari yon?” pagtatanong ni Marcos.
Sinabi ni Marcos na malaking usapin ang kuryente at tubig sa pang araw-araw na kabuhayan ng taongbayan, at kinakailangang kumilos na mismo ang Pangulo para maitama ang singil kung nais nitong manalo ang kanyang mga kandidato sa darating na halalan.
“Hindi malayong matalo ang mga kandidato ng administrasyon sa darating na eleksiyon sa 2022 dahil sa isyu ng kuryente at tubig. Kaya ngayon pa lang dapat ay tapusin na ang problema at pagpaliwanagin ang Meralco, Maynilad at Manila Water. Kung meron dapat managot, papanagutin at kasuhan!” pahayag ni Marcos. Binigyan diin ni Marcos na kailangang magkaroon muna ng aktwal na “meter reading” sa mga kuntador ng bawat customer bago maningil ang Meralco, Maynilad at Manila Water na siyang pagbabatayan ng billing ng tatlong kumpanya.
“Ano sila nanghuhula? Hindi naman dapat ibase lang ng Meralco, Maynilad at Manila Water sa “estimate” ang singil sa kuryente at tubig ng ating mga kababayan. Sumobra naman ang estimate nila, kaya ayan tuloy nagkagulo-gulo, galit ang taongbayan!” dagdag ni Marcos.
Binalaan din ni Marcos ang Meralco, Maynilad at Manila Water na hindi kailangang gawin ang pamumutol ng kuryente at tubig kung hindi man nakababayad ang kanilang custormer dahil na rin sa hindi katanggap-tanggap na billing pati na ang hindi maayos nitong serbisyo.
“Palpak na nga ang serbisyo, pati billing palpak na rin! Kaya wag silang mamumutol ng kuryente at tubig. Sobra naman ata yan! Ang daming naghihirap at namamatay dahil sa COVID, pero parang walang pakialam talaga ang mga may-ari ng Meralco, Maynilad at Manila Water. Manhid!” galit na pahayag ni Marcos.(30)

Amianan Balita Ngayon