Si Janet Napoles na tinaguriang reyna ng maanomalyang PDAF at kinasuhan ng “plunder”, naging “rape” ang nakalistang kaso sa BuCor?
Papano nangyari ire? Isang babae, may kasong rape? At si Janet Napoles pa? Ayon sa upak ni Sen. Gordon, “Bakit nila pinapalitan ‘yung charges? Paano naman makakapang-rape si Napoles?” Tiyak ganyan din ang itinatanong ngayon ng maraming hilong-talilong kababayan hinggil sa nabulgar na kaso ni Napoles. Pero sige, busisihin nga natin bago dumami ang mabu-buang.
******
Habang sinusulat ang espasyo ng Daplis ngayon (Sept. 12-Thursday), bumubuga muli ang ngalangala ng mga imbestigador ng Senado (Senate Blue Ribbon Committee) sa pamumuno ni Sen. Richard Gordon sa ika-apat na araw nang imbestigasyon sa GCTA –Good Conduct Time Allowance Law.
Tiyak na isa ito (Napoles) sa mga isyung tatalakayin, kung papano naging “rape” ang kaso sa halip na ang orihinal ay “plunder”.
Maaari ding isama ang hinggil sa “legal ba o hindi” ang pagpapasuko sa mga nakalayang mga PDL (persons deprived of liberty). Kasi nga, mismong si Rep. Rofus Rodriguez ng CDO, isa sa may akda ng GCTA, ang nagsabi na hindi nasunod ang nilalaman ng GCTA Law nang ginawa ang IRR.
Ito ang dahilan kung bakit dapat daw magpaliwanag sina dating DILG Sec. Mar Roxas at si dating DOJ Sec. Leila De Lima dahil sila diumano ang umakda sa IRR ng GCTA.
Marami daw sumablay sa laman ng IRR ng GCTA Law. Tsk tsk.. Palagay ko, kulang ang ilan pang pagdinig sa isyu ng GCTA sa dami pa ng mga hihimaying usapin. Pero ang pinaka-kontrobersiya ay itong “rape case” ni Janet Napoles.
******
Sala-salabat na ang mga umalingawngaw na mga reaksiyon sa sumambulat na balita hinggil kay Napoles. Alam ng lahat kung sino ito, at higit sa lahat, mas alam yan ng mga taga-BuCor.
E, bakit naisama ang pangalang Janet Lim Napoles sa listahan ng mga lalaya sana dahil sa Good Conduct Time Allowance? Ito ay base sa listahan na hawak ng Senado ngayon.
Dismayado ang Senate Blue Ribbon Committee nang makita sa listahan ng BuCor na ang kaso ni Napoles ay “rape” sa halip na “plunder”.
At dahil dito, kumilos na ang Department of Justice (DOJ) upang suriin ang naturang isyu. Matatandaang nasentensiyahan ng habambuhay na pagkakakulong noong Disyembre 2018 si Napoles sa pagdaan ng milyun-milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng ilang kongresista sa kanyang mga bogus na non-government organization.
Isang napakalalim na palaisipan sa kasalukuyan kung bakit naisama si Napoles sa listahan ng mga sana ay mapapalaya dahil sa GCTA. Sabihin na nating nagpakabait na ito. Pero bakit “rape” ang kaso?
******
Ayon sa mga analyst, maraming lumalabas na kurukuro hinggil sa pangalang Napoles. Maari daw na sinadyang isama ang pangalan ni Napoles sa mapapalaya ng GCTA (baka daw may lagay).
Ang kaso, mali ang naisulat na kaso nito. Maari din daw na nagkamali ang taong nagsulat ng listahan kaya nailagay ang “rape” na kaso niya.
Maari din daw na may kaapelyido lang si Janet sa loob ng bilibid at siya ang tinutukoy ng listahan. Pero papano kung siya talaga ang tinutukoy ng listahan?
Tsk tsk.. Dapat linawin ito ng BuCor at Senado. Hindi sapat ang pagsuspendi ng tatlumpung opisyal o empleyado ng BuCor upang humupa ang kontrobersiya sa naturang bilangguan.
Habang nangangalkal ang mga imbestigador sa mga kababalaghang nagaganap sa Bilibid, lalong dumarami at lumalaki ang problema. Umaasa ang bayan sa legal na mangyayari sa hinaharap. Adios mi amor, ciao, mabalos!
September 16, 2019
September 16, 2019
February 10, 2025
February 1, 2025
January 27, 2025
January 12, 2025
January 4, 2025
December 28, 2024