Kahera ng isang kainan, nasalisihan

Nasalisihan ang isang kahera ng Daily Wok Restaurant bandang 9am ng Agosto 7, 2018 sa Lower General Luna Street, Baguio City.
Kinilala ang biktima na si Florida Quidulit Batle, 26, single, residente ng Sto. Nino, Marcos Highway, Baguio City, samantalang ang suspek ay kinilalang si Junel Mateo Bandiano, 33, may-asawa at residente ng Ucab, Itogon, Benguet.
Sa imbestigasyon, kapapasok ng biktima sa kaniyang trabaho at inilagay ang kaniyang shoulder bag at cellular phone sa cashier’s area at inayos ang kaniyang mga gamit. Habang nakikipag-usap ang biktima sa kaniyang amo sa kusina, napansin niyang may pumasok sa kainan kung kaya tinignan niya ito. Agad napansin ng kahera na hawak ng suspek ang cellphone niya at agad tumakas ang suspek kung kaya hinabol ito ng biktima habang humihingi ng tulong.
Sa kabutihang-palad, nagsasagawa ng patrolya ang dalawang miyembro ng Traffic Enforcement Unit sa lugar at napansin nila ang kaguluhan kaya hinabol nila ang suspek hanggang nahuli ito. Narekober ng mga rumespondeng pulis ang cellphone ng biktima mula sa suspek. Ang kaso ay nasa inquest proceedings.

Amianan Balita Ngayon