Konsehal, pinatay sa Abra

BANGUED, Abra — Tinututukan ngayon ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) ang masusing imbestigasyon para matukoy ang pumatay sa bagong halal na municipal councilor sa bayan ng Pilar, Abra.
Sa text message ni Abra Provincial Police Office provincial director Alfred Dangani, bagama’t wala pang malinaw na motibo sa pagpaslang ay prioridad ngayon ng SITG na maresolba ang krimen.
Ayon kay Dangani, dumalo sa flag raising sa munisipyo noong Lunes si Councilor Amante Doral, 63, ng Barangay Kinabiti, Pilar, Abra.
Matapos ang flag raising activity, ay sumakay ito pauwi sa tricycle na minamaneho ng kanyang anak na si Jocker. Nang padaan sa Sitio Potpotong, Barangay Narnara, inambus sila ng di-pa nakikilalang suspek.
Bumagsak sa mismong kinauupuan niya si Doral dulot ng mga tinamong tama ng baril, samantalang nawalan ng control si Jocker sa minamanehong tricycle at bumangga ito sa gilid ng kakahuyan.
Isang tricycle ang napadaan sa lugar at tinulungan ng drayber nito ang biktima na maisugod sa Pilar Rural Health Unit, subalit idineklara itong dead on arrival. Si Jocker naman ay nasa maayos na kalagayan.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon