La Trinidad, handa na para sa 67th foundation day

LA TRINIDAD, BENGUET – Matapos ang tagumpay na pagdiriwang ng ika-36 Strawberry Festival noong Pebrero hanggang Marso ay muling abala ang bayan ng La Trinidad para sa selebrasyon ng ika-67 founding anniversary nito sa Hunyo 16, 2017.
Sa tema ngayong taon na “La Trinidad: where unity and friendship find home” ay inihanda ang iba’t ibang aktibidad na magsisimula sa isang ecumenical service, 8:30 ng umaga.
Ayon kay Atty. Miller E. Quintin, municipal administrator, ang mga aktibidad ay kinabibilangan ng general cleaning, tree planting, at sports fest.
Tampok ng pagdiriwang sa umaga ang pagkilala sa mga natatanging mamamayan at organisasyon sa iba’t ibang sektor gaya ng business, academe, youth, sports at agriculture at ang cultural show naman sa hapon, pawang gaganapin sa municipal gym.
Inaasahan ang pagdalo ni House Deputy Minority Leader Congressman Harry L. Roque Jr. ng Kabayan partylist bilang panauhing pandangal.
Ang La Trinidad ay idineklarang isang regular municipality mula sa pagiging district municipality sa pamamagitan ng Republic Act 531 noong Hunyo 16, 1950. Ito ay ginawang provincial capital ng Benguet noong Hunyo 18, 1966 sa pamamagitan ng RA 4695 na nagdeklara din sa Benguet bilang isang probinsya. MYSTICA CHER LAURETA, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon