LTFRB, ipapatupad na ang ‘Tanggal Bulok’ sa Region 1

LUNGSOD NG DAGUPAN – Ang “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” na kampanya na unang ipinatupad sa Metro Manila ay malapit na ring ipatupad sa Rehiyon 1, ito ang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sinabi ni LTFRB Regional Director Anabel Marzan-Nullar na hinihintay na lamang nila ang kopya ng administrative order mula sa main office bago ipatupad ang proyekto sa Pangasinan, La Union, Ilocos Sur at Ilocos Norte.
Dumalo si Nullar kasama si Veronica Peralta, Attorney IV ng LTFRB, sa isang committee hearing na isinagawa ng committee on transportation ng Dagupan City council noong Miyerkules, Pebrero 7.
Sinabi ni Nullar na kahit hindi pa natatanggap ng kaniyang opisina ang administrative order ay maaari nang umpisahan ng Public Order and Safety Office (POSO) ng lokal na gobyerno ang pagtanggal sa luma, sira-sira at mausok na public utility vehicles.
Ayon pa kay Nullar ay maraming luma at sira-sirang sasakyan gayundin ang mausok na sasakyan na patuloy na nagbibiyahe sa maraming daan ng Pangasinan at ibang lugar ng Ilocos Region.
Ipinaliwanag niya na ito ay bahagi ng PUV (Public Utility Vehicle) Modernization Program na siguradong ipapatupad sa Region 1 kahit pa may pagtutol mula sa ilang tsuper.
Sinabi pa ni Nullar sa committee hearing na hindi niya maintindihan kung bakit nakarehistro pa rin ang mga mausok na sasakyan at pinapayagan pa ring magsakay ng pasahero kahit pa naging panggulo na sila sa mga kalye.
Ganunpaman ay naniniwala si Nullar na ang mga tutol at may agam-agam sa jeepney modernization program ay hindi pa naiintindihan ang mga merito at benepisyo ng programa.
Inihayag din ni Nullar na ang kampanya laban sa mga colorum na sasakyan ay magpapatuloy dahil bahagi ito ng pagsasa-moderno ng transport system ng bansa.
Sa buong rehiyon ay nakahuli at naka-impound ang LTFRB ng may 50 colorum na sasakyan kabilang na ang mga bus, vans at jeepneys mula pa noong isang taon.
Nagmulta ang mga may-ari ng colorum na bus ng P1milyon; ang mga vans na ginagamit bilang utility express vehicles ay may multang P200,000 samantalang ang mga jeepney ay P50,000. L. MICUA, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon