Transport terminal-town center, panukalang itayo sa Naguilian

NAGUILIAN, LA UNION – Sa layuning matulungan ang kanilang mamamayan na magkaroon ng mas maraming trabaho at magbigay ng pangkabuhayan ay ipinanukala ng pamahalaang bayan ng Naguilian ang pagtatayo ng isang transport terminal-town center sa Ortiz Village.
Ang bakanteng lote na may kabuuang sukat na 3.3 ektarya ay pinili ng local government unit (LGU) na maging lokasyon ng proyekto dahil posible itong stop-over ng public utility vehicles (PUVs) at pribadong mga sasakyan na dumadaan sa Naguilian-Baguio road.
Base sa pagiging malapit, ang panukalang proyekto ay maaaring magserbisyo sa pangangailangan ng may 163,298 tao dahil ang bayan ay nasa sentro ng tatlong munisipalidad ng La Union, ang Bagulin, Bauang at Burgos.
“Our LGU will build common road networks in the area including standard drainage systems to make it readily available for other investors to come in,” ani Mayor Reynaldo Flores sa   Provincial Development Council meeting noong Enero 26, na humihingi ng approval nito.
“As of now, it is currently used as a terminal of big and mini buses, jeepneys,  and tricycles but we are positive that if the area is developed, it will bring more jobs and livelihood to our constituents,” dagdag ni Flores.
Ang plano ay inaasahang ma-accommodate ang supermarkets, department stores, stationary shops, amusement center, fast food restaurants, retails spaces, at iba pang recreational amenities.
Samantala, ang transport terminal ay magkakaroon ng parking spaces para sa public at private vehicles at may pasalubong (souvenir) center facility.
Ayon sa LGU ang mga improvement ay kailangan din upang matugunan ang limitadong produkto at mga serbisyong mayroon sa bayan at ang problemang dulot ng trapiko habang nagbibiyahe na kung saan ay abala sa oras.
May plano ring i-accommodate sa lugar ang mga opisina gaya ng Bureau of Fire Protection (BFP), Land Transportation Office (LTO), at Department of the Interior and Local Government (DILG), at Rural Health Unit (RHU).
Inaasahang magiging moderno ang proyekto ngunit hindi masyadong mahal at makikinabang din ang low-to-middle income na residente at mga bisita. Maisasama rin ang ‘green’ building features para makatipid sa kuryente at tubig. JNPD, AHFF, PIA-1 / ABN

Amianan Balita Ngayon