Magalong nagbabala sa pekeng medical documents

BAGUIO CITY – Binalaan ni Mayor Benjamin Magalong ang mga taong magpriprisinta ng pekeng medical documents para lang makapagpa-bakuna na mahaharap ito sa kaukulang kaso.
Ang babala ay ginawa kaugnay sa may 100 fraudulent medical certificates anga nadiskubre mula sa mga taong nabakunahan sa ilalim ng A3 priority group or persons with comorbidities mula sa isang vaccination sites noong Hulyo 25.
Ayon kay Magalong, ilan sa mga dokumentong nakita ay gawa lamang sa bond paper, sa halip na doctor’s stationery na ginagamit sa pag iisyu ng medical certificate.
Aniya, ilan sa nabuking ng tanungin ay hindi alam kung anong pangalan ng doctor o gamuo na kanilang ginagamit.
Ayon pa kay Magalong, sa ngayon ay mahigpit na sinusuri ng health workers sa vaccination sites ang mga medical certificate na magsasamantala sa layunin ng national government na mabakunahan ang mga priority groups.
“Alam ko na marami ng gustong magpabakuna para sa proteksyon laban sa virus.
Lahat po dito sa ating siyudad ay target ko mabakunahan, kaya antayin lamang po na dumagsa ang ating vaccine sa mga susunod na buwan at huwag gumawa ng iligal na pamamaraan,” pahayag ni Magalong.
Bukod dito, binalaan din ang gagamit ng pekeng vaccination cards o’ passports sa anumang transaksyon,lalong-lalo na sa pagpasok sa lungsod, matapos mabuking na may gumagawa at nagbebenta ng vaccination cards na kumakalat nationwide.
Ang mga pamemeke ng dokumento ay mapaparusahan sa ilalim ng Article 172 – Falsification by private individuals and use of falsified documents, Art. 174 – False Medical Certificates, false certification of merits or service, etc. and Art. 175 – Use of false certificates”.
Zaldy Comanda

Amianan Balita Ngayon