Mangingisdang Pinoy, may mga pasaring!

Nangyari na ang insidente sa Recto Bank kung saan muntik nang sinawimpalad ang 22 mangingisdang Pinoy. Umusad na rin ang mga imbestigasyon hinggil dito. Ang hinihintay na lamang ay ang report ng Coast Guard. Pero ang say nila, ang palasyo na lamang ang maghahayag kung ano ang laman nito dahil naisumite na nila kay Pres. Duterte ang kanilang ulat.

Hmmm…bakit kaya hindi agad ipinabatid sa madla? Malay natin, baka may sekreto? Tsk tsk…yan nga ang siste. May resulta na, bitin pa. Siyempre, mag-iisip ng tagilid ang taumbayan, di ba? Ah, basta, tapos na ang pagsisiyasat.

Noong mga unang araw pagkatapos ng insidente sa Recto Bank, sandamukal ang mga patutsada, hinaing, batikos, puna at mga suhestiyon ang nasaksihan natin. May mga umepal pa nga, eh, na kuno ay nagmamalasakit sa suberenya ng ating bansa.

Katakot-takot din na paninisi kontra Tsina ang sumabay. Kesyo, at maraming kesyo pa na kulang na lamang sabihing, “sige, giyera na kung giyera”.

Buti na lamang nagpakahinahon ang ating presidente. Kung nagpadikta siya sa damdaming nagpupuyos sa mga eksenang ito, baka kung saan na tayo dinampot ngayon. Alalahanin nating kapag nagkaroon ng gulo, tiyak na hindi naman tayo pababayaan ng ating mga kaalyado.

Pero ang suma total: giyera ulit, bagay na di na dapat mangyari. Marami na tayong pinagdaanang giyera sa ating buhay. Pero ang sesentruhin natin sa pagkakataong ito ay hindi sa tunay na nangyari sa Recto Bank kahit na ang pag-iwan ng mga singkit sa ating mga mangingisdang biktima ng banggaan.

Ito ang trato sa mga mangingisdang Pinoy at karaingan ng iba ring mangingisdang hindi kasama sa Recto Bank incident. Sabi nila, laking gulat ng mga biktimang mangingisda (Recto bank) sa laki raw ng benepisyong natanggap nila.

Hindi lang material (bangka at gamit pangisda/kabuhayan) kundi ang natanggap nilang cash. Ayon sa huling ulat, baka abot sa lagpas dalawang-daang piso bawat isa sa kanila. 22 ang naipamahagi mula gobyerno at mga pribadong nagmalasakit.

Sapat na sapat na raw yan para sa mga biktimang mangingisda upang maibsan ang kanilang hinanakit sa pangyayari. In short, kuntento na sila at handa na muling maghanap-buhay sa laot. Pero sa likod ng kanilang ngiti, mas maraming mangingisda naman ang nagkaroon ng malalim na karaingan kontra gobyerno.

Ganern? Bakit? Ganito yan, pards: dahil sa sungit ng panahon, isang taon na ang nakalilipas, abot sa 132-mangingisda ang nawalan ng hanapbuhay dahil nawasak ang kanilang mga gamit pangisda (bangka at lambat).

Nangako raw ang gobyerno noon, (DA), na sila’y bibigyan ng mga bangka bilang tulong. Pero isang taon na ang nakalipas, ni isang bangka ay walang dumating. Ayon sa mga opisyal ng DA sa rehiyong nakakasakup sa Occidental Mindoro, nakaligtaan daw nila ang kanilang pangako at responsibilidad. Tsk tsk… nakaligtaan.

Yung nangyari sa 22 mangingisda sa Recto Bank, halos sa isang iglap lang, andiyan na ang alalay ng pamahalaan. Pero ang kapakanan ng 132 mangingisdang biktima ng kalamidad na napangakuan ay WALA PA!

Iisa ang karaingan ng mga mangingisda ng Occidental Mindoro: sana tuparin ng pamahalaan ang naipangako sa kanila. Ni ga-puspurong bangkang papel, wala pa. Sino nga ba ang hindi magrereklamo sa ganitong eksena?

Aba, kung kami ang tatanungin, kung sino ang nagkulang, dapat lang managot, di ba? Kita naman natin kung papano tinulungan at inalalayan ng ating gobyerno ang mga biktimang mangingisda sa Recto Bank incident.

Samantalang isang taon nang dumaraing ang 132-mangingisdang biktima ng kalamidad sa Occidental Mindoro. Kailan sila pakikinggan? Buti na lamang wala pang humihiyaw ng: “magpapabangga na rin kami sa Recto Bank para matulungan ng gobyerno”! Haayy, buhay nga naman. Paki-ayos naman ang serbisyo! Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon