Mga barangay sa Baguio binigyan ng vegetable seeds para sa “survival gardens”

LUNGSOD NG BAGUIO – Inihayag ng city veterinary and agricultural office (CVAO) sa ilalim ni Dr. Brigit Piok na 121 ng 128 barangay ng lungsod ang nabigyan na ng mga pakete ng vegetable seeds para sa kanilang community gardens at household vegetable patches mula ng mag-umpisa ang program noong Marso 23 nang ang lungsod ay nasa ilalim pa ng Enhanced Community Quarantine.

Sinabi ni Piok na ang mga buto na naipamahagi para sa mga “survival gardens” ay binubuo ng pechay, zucchini, beans, eggplant, arugula at iba pang gulay na kilalang tumutubo lamang sa bundok na malamig ang klima.

Pinangunahan ni Mayor Benjamin Magalong ang ibang lokal na opisyal sa paghikayat na ugaliin ang backyard gardening sa mga barangay sa lungsod bilang paraan ng alternatibong pagkukunan ng makakain at pati pangkabuhayan dahil sa epekto sa ekonomiya at pagka-antala ng suplay ng pagkain sanhi ng pandemya ng coronavirus-2019 (COVID-19).

Sinabi ni Piok na kahit ang mga walang backyard o may limitadong espasyo ay maaaring maging malikhain at gumamit ng “container” gardening sa pagtatanim sa mga paso, plastic o ibang lalagyan na maaari nilang gamitin sa pagtatanim ng mga gulay.

Dahil walang badyet ang programa, kailangang maglaan ang lungsod ng PhP151,000 mula sa COVID-19 funds nito, PhP84,000 mula sa CVAO at nag-ambag ang Department of Agriculture ng PhP93,000, ayon kay Piok.

Dagdag ni Piok na hihiling ang kaniyang opisina ng isang tiyak na alokasyon para sa pagpopondo sa programa sa susunod na taong badyet ng lungsod dahil ang programa ay isa nang permanenteng aktibidad ng lokal na gobyerno.

Hihiling din siya ng karagdagang CVAO personnel dahil ang kaniyang opisina ay may dalawang agriculturist lamang na may palntilla o permanenteng posisyon.

Hiniling ng CVAO sa mga opisyal ng barangay na ipost ang kanilang taniman sa facebook page ng opisina para sa monitoring na ginagawa ng karamihan at maganda ang mga resulta, ayon kay Piok. Dagdag niya na ang mga taniman sa ilang barangay na binisita ng kaniyang opisina ay nagpakita ng parehonf positibong resulta.

Sinabi ni Piok na nagbibigay din ang CVAO ng mga buto sa mga bumibisita sa opisina sa Slaughterhouse Compound hangga’t mayroong mga buto. Dagdag niya na plano ng CVAO na magbigay ng trainings sa backyard gardening sa susunod na mga linggo upang mapaglingkuran ng husto ang publiko.

GPK-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon