Mga Eksena sa undas, Paulit-ulit!

Parang pagkaing laging replay…yan ang wangis ng mga undas na nagdaan. Paulit-ulit ang mga eksena. Kung may pagbabago man…katiting lang. Minsan pa nga…O.A daw ang mga panuntunan. Siguro para maisakatuparan ang kanilang ginagawa na alinsunod din sa maayos na ngilin sa Undas.

Pero teka lang, pards…sa tagal na nating ipinagngingilin ang Undas…may mga tao pa ring lito at hindi maalam sa kahulugan ng araw na ito. Sige, himay-himayin natin ang mga kakatwang eksena na laging replay ang istorya:

Ilang araw, bago Undas…marami na ang abala sa paglilinis sa mga sementeryo. Yong iba, para sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay. Yong iba naman, nagnenegosyo sa linis, pintura at lahat na ng serbisyo upang kumita.

Diyan naman nagsasamantala ang iba kasi may mga nagpapauto naman at ayaw madumihan ang kamay…sunggab na maski mahal ang singil. Sa araw ng Undas…alam ng lahat na maraming bawal gawin sa loob ng sementeryo. Bawal magingay. Bawal magsugal. Bawal magpasok ng nakalalasing na inumin at nakamamatay na bagay. Pero may mga mahilig magpalusot. Kuno ay tubig o softdrinks ang dala…yon pala ay may halong alak.

Kapag nahuli saka sila nagmamakaawa para di makulong. Ginagawa rin itong araw ng mga nag-dedate na mga magsing-irog. Lisensiya nila ang araw na ito upang hanggang sa gabi ay nasa sementeryo…nag-dedate sa mga madidilim na lugal at kuno ay nagbabantay sa kanilang namatay na kamaganak.

May mga nagdadala rin ng mga mamahaling kandila. Mamahaling mga bulaklak. May mamahaling pagkain pa. He he…yan naman ang pinupuntirya ng mga kawatan. Pag nalingat ang bantay, wala si kandila, simot ang pagkain at naitakas na ang bulaklak at baka naibenta na ulit sa iba. Sa malalaking sementeryo daw..ay parang piknik pa sa mga musoleo. May litson pa. Parang piyesta. Kahit bawal ang ingay, sige lang kumo malakas daw ang kapit.

Wala kayang lagayan diyan? Sa puntong ito, dito natin makikita ang malaking agwat ng mga mahihirap at may kaya sa buhay. Naka-musoleo ang mayayaman samantalang krus lang sa lupa at walang lapida ang namayapang mahirap.

Palakihan at pagandahan ng mga puntod sa mga may kaya, samantala ang mga mahihirap natabunan ng dumi ang puntod. Pagdating sa bulaklak, akala mo bagong patay ang binabantayan sa dami ng bulaklak o korona para sa mga may kaya….samantalang sa mahihirap, nagkakasya na lang sila sa ilang pirasong maliliit na bulaklak ….baka mga wild flowers pang napulot nila sa daan. Yong iba, plastik na lang at puwede pang gamitin sa susunod na undas.

May mga pumapasok sa sementeryo na nakabeste pa, pards. Kala mo pupunta sa ball room o kasal. Kuntudo kolorete at nagkikintabang alahas na para bang dadalo sila sa isang fashion show. In short…display-han ng kasuotan. Patakamtakam na lamang sa sulok ng maliit na puntod ang mga nakatungangang mahihirap. Tsk tsk…mula binyag hanggang sa libingan, talongtalo ang mga dukha. Undas pa lang ang usapan, pards. Parang gusto mo ng manakal at sumapak ng tao. Pero wala tayong magagawa dahil yan ang kulturang kinagisnan natin.

Paulit-ulit ang mga eksena sa tuwing Undas. Pero huwag ka, pards…kapag biglang umulan ng malakas, limot na nila ang suot at kagarbohan…para na silang mga bakang nakawala sa koral na naghahanap ng masisilungan. Haayy buhay nga naman. Sa tuwing Undas din nagsusulputan ang mga peke: mga kuno ay pastor o pari…eh, sa dalangin pa lang, palpak na. Kulang na lamang na may magnonotaryo sa ibabaw ng puntod o kaya magrerecruit papuntang abroad.

Sige…marami pa sana pero kulang na sa espasyo. Ang huli naming upak ay ire: ang NOBYEMBRE UNO AY ARAW NG MGA SANTO. Ang Nobyembre dos ang tunay na ARAW NG MGA PATAY. Bakit sa tuwing Nob. Uno tayo dumadalaw sa ating mga patay? Adios mi amor, ciao, mabalos!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon