Miyembro ng ‘hypebeast’ na nambu-bully, ipapatawag ang mga magulang

BAGUIO CITY – Naalarma ang syudad ng Baguio sa dumaraming miyembro ng tinaguriang “hypebeast” na diumano ay nambu-bully sa kabataan lalo na sa mga karatig-paaralan sa loob ng central business district.
Dahi dito ay nagbigay ng kautusan si Mayor Mauricio Domogan sa tanggapan ng kapulisan na kung may mahuhuling miyembro ng hypebeast na nananakit sa mga kapwa-estudyante nila ay agad ipatawag ang mga magulang ng mga ito upang mabigyan ng kaukulang pangaral at kung paano bibigyan ng disciplinary action ang mga sangkot na miyembro ng “hypebeast”.
Ipinahayag ito ni Domogan sa nakaraang Ugnayan dahil na rin sa mga kumakalat na balita, maging sa social media, hinggil sa mga pambubully ng mga ito sa mga estudyante.
Nakadamit umano ang mga miyembro ng “hypebeast” ng mahal o branded na kasuotan kaya madali umanong makikilala ang mga ito.
Ikinabahala ng ilang residente ang pagdami ng mga miyembro ng grupo ng mga kabataan na ito dahil umano sa di kanais-nais na asal na kanilang ipinapakita.
Nakikipagtulungan na rin  ang lokal na pamahalaan kay Baguio City Police Office Director Ramil Saculles, Department of Education Baguio Schools Division Superintendent Federico Martin, Association of Private School Administrators Baguio City Chapter President Annie Marie Caguioa at iba’t ibang mga youth organizations sa lungsod upang matugunan ang naturang suliranin.
Ilang kabataan na miyembro din umano ng grupo ang nahuli na ngunit hirap pa rin ang kapulisan na hikayating pumunta sa kanilang mga istasyon ang mga magulang ng mga nahuling kabataan.
Pinaalalahanan din ng alkade ang mga magulang sa kanilang mga responsibiladad sa kanilang mga anak.
“Kung ginawa natin yung ating mandate as the first teachers of our children, yung posibilidad nga na pupunta sa ganoong klase ng activities na hindi naman maganda sa kanila, maiiwasan,” wika ng alkade.
Samantala, hinihikayat naman ng kapulisan at ng lokal na pamahalaan ng Baguio na i-report kaagad ang mga insidenteng may kaugnayan sa grupong ito at makipagtulungan sa kapulisan upang kaagad itong marespondehan. RC Bjon C. Catacutan, with reports: Mark Villaflores, UB Interns

Latest News

Amianan Balita Ngayon