Nagpanggap na abogado, huli sa extortion

CAMP FLORENDO, La Union – Tinimbog ng pulisya ang isang nagpapanggap na abogado na nangingikil umano sa kanyang biniktima, sa isinagawang entrapment operation sa Alaminos City, Pangasinan, ayon sa ulat ng Police Regional Office-1, San Fernando City, La Union.
Nabatid kay Police Lt. Col. Mary Crystal Peralta, ng regional information office, noong Marso 28 ay nagtungo sa Alaminos City PS, ang biktimang si Regina Tabua, 36, employee ng Angels & J Travel & Tours sa Alaminos City, para ireklamo si Jessica Pohl Hensonl, 35, ng Barangay Pangascasan, Sual, Pangasinan, na umano’y hinihingan siya ng halagang P4,000 para ayusin ang correction sa birth certificate ng kanyang anak.
Ayon kay Tabua, nag-alok ang suspek na siya ang magaayos dahil siya daw ay isang abogado, pero nagduda siya kaya nagreport siya sa pulisya sa isang computer shop at makalipas ang ilang minuto ay dumating ang suspek at iniabot ng biktima ang halagang P1,000 na siyang paunang bayad na hinihingi nito.
Nang abutin ng suspek ang pera ay saka lumitaw ang mga nakatagong pulis at dinampot ang suspek. Wala umanong maipakitang anumang identification ang suspek na nagpapatunay na siya ay isang abogado. Sinamapahan na ito ng kaukulang kaso.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon