Ninja Cops… Bakit di mapuksa?

Bakit sa halip na mapuksa ay parang dumarami pa daw ang mga Ninja Cops? Maryunes! Aba’y marami pang mabibiktima ng illegal na droga, pards. Ano bang nangyayari? Nagbubulag-bulagan lang ba ang ating pamahalaan o talagang di makakita? Maryunes uli! Anyari?

Sige…bulatlatin natin hanggang sa kaliit-liitang kota nila pero bato-bato sa langit muna, hane!
******
Tanong: ano ba ang Ninja Cop? Ayon sa mga otoridad na magsalita….ang mga Ninja Cops ay yong mga tiwaling pulis na nag-rere-cycle ng mga nakukumpiska nilang shabu.

Hindi raw lahat ng mga nakukumpiska sa isinasagawa nilang raid ay ipinipresenta para gawing ebidensiya kundi itinatago at saka ibebenta uli sa kalye. Ibig sabihin, paikut-ikot lang ang shabu. Ibig sabihin na kung itong mga Ninja Cops ay nakahuli ng drug pusher, kukumpiskahin ang shabu tapos ire-re-cycle o ibebentang muli ang mga yan.

Hanep namang kamaryusepan yan, pards. Aba’y talagang mabigat palang problema ang ginagawa ng mga Ninja Cops. Dapat daw tapatan yan ng mga “Shaolin Master Cops” o kaya ay “Robocops”.
******

Tanong ulit: sa mga napapaulat na raids kontra illegal na droga…bakit parang hindi maubos-ubos ang droga? Kasi nga…bumabalik at naibebenta rin dahil sa mga Ninja Cops. Katunayan nga, kamakailan lang…ay sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na maraming pulis at PDEA Agents ang gumagawa ng pag-recycle ng droga kaya hindi maubus-ubos. Kahit pa raw araw-araw na manghuhuli sila ng pushers ng shabu, hindi nababawasan ang droga kaya tuloy ang problemang ito.

In short…papano mo nga mareresolba ang talamak na bentahan ng droga kung mismong mga alagad ng batas na magagamit bilang solusyon…ay sila naman pala ang problema? Sabagay, hindi nilalahat. Mas malayong marami ang matitinong otoridad kaysa bulok o tiwali
.******
Tanong pa: eh, ano naman itong sinasabing “Agaw-Bato” sa isinagawang hearing ng Senado kamakailan? Ito ay operandi pa rin ng mga Ninja Cops, pards. Papano? Ganire daw ang mudos: kapag nakakumpiska ng shabu o droga ang mga Ninja Cops na ito, ipinatutubos yan sa mga drug traffickers.

Milyong piso ang tubos sa mga shabu bago palayain yong nahuling drug trafficker. At para hindi bukilya, isang “fall guy” o “pekeng suspect” ang kanilang kuno ay huhuliin at ididiin na may-ari ng nakumpiskang shabu. Sa pandak na salita…(in short he he) walang katalo-talo ang mudos operandi ng mga Ninja Cops, di ba?

Hindi maubosubos ang kanilang kita dahil pinapaikut lang nila. Talong-talo ang bayan diyan. Ang kaso…dawit sa kahihiyan ang buong pwersa nila. Hindi pa ba sapat yan upang sila’y lipulin at parusahan?
******
Dagdag na tanong: bakit parang dumarami pa yata ang mga Ninja Cops sa kabila ng mga pagbubulgar at pagtukoy na nga pati na ang kanilang pagkakakilanlan? Balita nga naming, isinumete na ng Senado kay Pres. Duterte ang listahan ng mga Ninja Cops, eh.

Ano naman kaya ang magiging reaksiyon ng pangulo? Ibubulgar na kaya ang pangalan ng mga yan? Sabi nga nila, bakit hindi agad sibakin ang mga ito sa puwesto kapag napatunayan na sangkot sa tiwaling gawain?

Kung matibay ang ebidensiya, dapat silang sibakin na at huwag ng suspendihin. Sabi nga ni Sen. Ping Lacson…kapag suspensiyon lamang ang pinataw sa Ninja Cops, makakablik ang mga yan sa puwesto pagkatapos ng anim na buwang suspensiyon. Yon ang sagot kung bakit dumarami pa ang Ninja Cops kasi nakakabalik naman sila sa puwesto. Di ba dapat hindi na sila ibabalik sa puwesto kung may ebidensiya? Sa ganitong nangyayari ngayon…sino kaya ang dapat pukulin ng sisi? Sino ang may pagkukulang? Ano ang dapat gawin sa kanila?

Hayy buhay…marami pa tayong tanong pero ubos na ang espasyo. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon