P548.6M halaga ng illegal drugs, nakumpiska sa Kalinga

TABUK CITY —Sa pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga, ang Kalinga Provincial Police Office ay nakapagtala ng mahigit sa kalahating bilyong halaga ng iligal na droga, gaya ng marijuana plants, seedlings, shabu,hashish, dried marijuana at stalks, mula Enero hangang Agosto 25, 2021.
Sa nakalipas na walong buwan mula sa 63 anti-illegal drugs operation, nakapagtala ito ng P548,699,492.12 ay nalagpasan na nito ang 2020 anti-illegal drugs accomplishment na nakapagtala ng kabuuang halagang P440,480,514.592, mula sa 103 drug operations sa loob ng isang taon.
Nabatid ng maitalaga bilang provincial director ng Kalinga PPO si Col Davy Limmong noong Mayo 2020, ay naging prioridad nito ang pagsugpo ng iligal na droga, lalo na’t ang lalawigan ay isa sa “hot spot” ng marijuana plantation.
Sa datos ng Kalinga PPO, ang magkakasanib na operatiba ng lalawigan ay nakapagsagawa ng 63 drug operation sa loob ng walong buwan at ang pinakamataas ay ang marijuana eradication na 32; 18 sa buy-bust; 10 search warrant; 6 checkpoint;7 police response at 5 sa warrant of arrest.
Sa nasabing 63 drug operation ay kabilang ang dalawang marijuana eradication mula sa 13 plantation sites sa Barangay Loccong,Tinglayan,Kalinga, noong Agosto 24-25, na may halagang P60,930,558.
Sa marijuana eradication, kabilang na ang seedlings at dried marijuana ay nakapagtala ng P459,702,000 halaga ng pinagbubunot at sinunog sa lugar, samantalang sa buy-bust operation ay naka-kumpiska ng 3.8021 gramo ng shabu at 77 kilogram ng dried marijuana, na may kabuuang halagang P9,124,567, na ikinadakip ng 21 katao at 18 ang naisampang kaso.
Sa checkpoint, ang kapulisan ay nakadakip ng 12 katao at nakumpiskahan ng ibinibiyaheng dried marijuana na may halagang P23,277,121, samantalang sa police response ay nakakumpiska ng P52.2935 gramo ng hashish at 399.927 kilograms ng dried marijuana and stalks na may halagang P56, 406, 240 at sa search warrant ay nakakumpiska ng 24.1557 gramo ng shabu na may halagang P189,563.6.
Ayon kay Limmong, patuloy ang kanilang isasagawang marijuana eradication sa bayan ng Tinglayan,na patuloy din sa pagtatanim ng marijuana.
“May mga nakatoka na kaming operatiba sa Tinglayan na nagmamanman sa bundok,upang makahuli kami ng cultivator. Hangga’t walang nahuhuling cultivator,hindi titigil ang mga ito sa pagtatanim. Mandato ito sa amin na matigil ang pgtatanim ng marijuana,” pahayag ni Limmong.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon