Pamomolestiya ng coach, tuloy ang imbestigasyon

LUNGSOD NG BAGUIO – Kasalukuyan pa ring iniimbestigahan ng Baguio City Police Office (BCPO) kung mayroon pang ibang naging biktima ng pamomolestiya ang chess coach at magsasakang si Ramsey Tiwaken, edad 33, na tubong Ambassador, Tublay, Benguet.
Ayon kay BCPO director Allen Rae Co, naaresto ang suspek na si Tiwaken Linggo ng umaga matapos makarating sa awtoridad ang pagsasamantala nito sa isang menor de edad na batang babae, sampung taong gulang, grade five student mula sa La Trinidad, na nakunan ng litrato at video ng isang concerned citizen na nakasakay umano ng suspek at ng biktima sa isang pampasaherong jeep mula sa La Trinidad patungong Baguio City.
Ayon kay Co, maraming beses na umanong tinuruan ng suspek ng larong chess ang biktima, at dahilan na sa halos isang taon nang nakakasama nito ang bata ay pinayagan ng kanyang mga magulang na sumama siya sa suspek dahil rin umano’y naging mabuti ang pakikitungo nito sa mga magulang niya.
Iyon rin ang unang beses na silang dalawa ay lumabas na magkasama. Dagdag pa ni Co, iniimbistigahan pa rin sa ngayon kung mayroon pang ibang ginawa ang suspek na si Tiwaken sa batang babae bago at matapos makunan ng video ang dalawa na magkasa sa loob ng jeep maging sa Burnham Park.
Kasunod nito, mahigpit na pinaalalahanan ng PNP Baguio, lalo na ang mga magulang na doblehin ang pagtutok at paggabay sa kanilang mga menor de edad na anak para maiwasang maulit ang nasabing insidente.
“Let’s be aware of our sorroundings. Buti nalang at na-videohan at nahuli natin kaagad. We would not know what would have happened kung hindi kaagad nai-report. Baka may mas malala
pang nangyari,” ani Co.
Nasa kulungan na ngayon ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
 
Charisse Anne Miranda, UC Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon