Pinakamabigat na kontrobersiya, bumulaga!

Sandamukal na ang mga kontrobersiyang naganap simula nang maupo bilang pangulo si Pres. Duterte.  Kung baga sa pagkain, ang mga kontrobersiyang yan ay mga medium, rare at well-done. Ibig sabihin – templado, katamtaman at sunog este lutong-luto. Pero wala yan mga pards. Sisiw lang yan. Kahit pa may nagwika noon na isang nakaupo na “hindi na siya tatakbo” pero tumakbo rin kasi “joke lang” daw. May mataas ding opisyal ang kaya raw lumundag mula sa lumilipad na eroplano kung sinungaling siya, pero hindi itinuloy kasi buang lang ang gagawa niyan. Meron ding opisyal na “magpapasagasa raw sa tren kung di malutas ang problema sa MRT”. Anong nangyari? Hindi naman nagpasagasa kahit patong-patong ang mga aberya ng MRT. Tsiken lang ang mga yan, pards. Ang bumulagang kontrobersiya ay ang diumano’y mga kataga mula kay Pangulong Digong na: “Ang Diyos ninyo ay hindi ko Diyos dahil ang Diyos ninyo ay estupido”!

******

Parang pumutok na bulkan ang naturang isyu na sinundan ng mga napakaraming “aftershocks” mula sa ibat’ibang sector ng lipunan. Natural, nabatikos ang pangulo. Natural ding dumipensa ang Malakanyang. May mga sekta ring dumaplis. Isa na rito ang Jesus is Lord (JIL) ni Bro. Eddie Villanueva.  Ayon sa kanya, nagpadala na raw siya ng liham kay Pangulong Duterte at hiniling na humingi si Duterte ng “paumanhin sa Diyos sa harap ng publiko. May babala pa si Villanueva na kung hindi tatalima ang pangulo, magkakaroon ng malaking “prayer rally”. “We are representing 10 million people. I don’t believe the president will ignore this because once he ignores the collective wisdom of the body of Christ, this may lead to a kind of huge prayer rally designed, first, to intercede and for spiritual warfare. And worst I hope it will not lead to the imprecatory prayers.” Dagdag pa ni Villanueva: “To insult God, to us, it is a kind of blasphemy in the highest order. The Bible is very clear, when you slander or curse God, you are inviting curses not only for yourself  but the entire nation, calamities and disasters”. At gaya ng sinabi ng mga Obispo ng Simbahang Katolika, may paniniwala si Villanueva na kailangang ipanalangin ng mga Pinoy ang pangulong Duterte.

******

May isang sikat na kolumnista pa nga ang nagtanong kung “sino kaya ang Diyos ni Pangulong Rodrigo Duterte?” Sabi naman ng mga analyst: Hindi ba’t iisa lang ang Diyos? Kahit pa magkakaiba ang relihiyon, di ba iisa rin ang ating Panginoong Diyos? So, sino kayang Diyos ang tinutukoy ng pangulo, upak ng marami. Sa kabilang dako, nakiusap naman si Presidential Daughter at Davao City Mayor Inday Sara Duterte na “huwag pakinggan ang interpretasyon ng kanyang tatay kaugnay sa bibliya. “Please do not listen to him interpret the Bible or Quoran, he is not a priest, a pastor or an imam. He is the president, listen only when he speaks about his work. And criticize on his work not on his talkkalese. Do not waste your negative energy on his interpretation of the Bible, that is his opinion,” dagdag ng alkalde.

******

Sa puntong ito, maalaala nating may 3-man committee na ang binuo ni Pangulong Digong upang makipag-dayalogo sa Simbahang Katoliko. Di pa man alam ang magiging resulta, marami ang umaasa na sa pamamagitan nito ay magkakaroon na ng maayos at makatotohanan o “harmonious relationship” ang gobyerno at simbahan. Tapik naman ng mga nakakaunawa: tao lang tayo, makasalanan at protektado tayo (Pilipinas) ng Konstitusyon hinggil sa karapatan sa pamamahayag at paglalabas ng saloobin. Dalangin namin na sana’y huhupa na sana ang kontrobersiya para sa mas matatag nating pagkakaisa tungo sa katuparan ng pangarap ng buong bansa. Adios mi amor ciao, mabalos.

Now we know

Amianan Balita Ngayon