Plebo patay sa “maltreatment”

LUNGSOD NG BAGUIO — Tatlong upper-class cadet ang napipintong masampahan ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Law, kaugnay sa pagkamatay ng isang plebo sa loob ng Philippine Military Academy noong Miryerkules, Setyembre 18.

Ayon sa autopsy na isinagawa ni Police Captain Reynaldo Dave ng PNP Crime Laboratory Service, pagkabugbog sa internal organ at mga napunit na tissue na sanhi ng pagdurugo ng sikmura mula sa mga suntok at sipa na tinamo nito ang naging dahilan ng pagsusuka nito ng maraming beses hanggang sa ikamatay ng biktimang si 4th Class Cadet Darwin Dormitorio, 20, ng Cagayan de Oro City.

Blunt force trauma ang ikinamatay ng biktima dulot ng masyadong pagkabugbog sa kanyang sikmura at tiyan na ikinasugat ng kanyang mga internal organ sa pamamagitan ng matinding suntok at sipa.

“Wala akomg nakitang ginamitan ito ng matigas na bagay,” ani Dave. Ayon naman kay PMA Superintendent Lt. General Ronnie Evangelista sa naganap na media briefing noong Biyernes sa Baguio City Police Office, tatlong squadmen na itinuturong “persons of interest” sa kaso na kinabibilangan ng dalawang 3rd class cadet (2nd year) at isang first class cadet (4th year) ang ngayon ay nasa restricted area ng akademya.

Hindi muna binanggit ni BCPO City Director Allen Co ang mga pangalan ng tatlong kadete at iba pang nasasangkot habang patuloy ang kanilang isinasagawang imbestigasyon para mapadali ang pagsasampa ng kaso laban sa mga mapapatunayang kasangkot sa insidente.

Ani Co, 20 kadete pa ang iniimbestigahan na nagsisilbing saksi sa naganap na insidente. Ang mga responsable sa pagkamatay ng biktima ay mahaharap sa kasong criminal at administrative at separation from the service sa ilalim ng Anti-Hazing Law.

Ayon kay Evangelista, noon pa man ay labis nang kinokondena ang ganitong maltreatment sa loob ng akademya, kaya’t nararapat lamang umano na managot ang lahat ng may kinalaman sa pagkamatay ng kadete.

“From the very start, PMA has openly coordinated with the authorities to ensure fair, objective and transparent investigation and directed all persons of interest to make themselves available to the different standard and parallel investigations,” pahayag ni Evangelista.

Una nang nagpaabot ng pakikiramay si Evangelista sa pamilya ng biktima, na ang ama nito ay retired Colonel na graduate din ng PMA.

“Narito kami ngayon para ipakita na wala kaming itatago sa kalalabasan ng imbestigasyon para mapanagot ang may sala at mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng biktima,” an Evangelista.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon