Pulis, nobya kinansela ang kasal, itinulong ang ipon sa COVID-19

LUNGSOD NG TABUK, Kalinga – Isang batang pulis mula Tinglayan at nobya nito ay ipinagpaliban ang kanilang kasal na nakatakda sana sa Hunyo at ibinigay ang kanilang ipon na tulong sa mga residente na naapektuhan ang kabuhayan ng enchanced community quarantine (ECQ).
Si Pat. John Cleveland Pannogan na pumasok sa police force noong 2018 ay nakapag-ipon ng PhP50,000 para sa kasal nila ng kaniyang nobyang si Nannete Velasco ng Tuba, Benguet.
“We donated the money, instead of keeping it in the safe, to help others. We can save up again after Covid,” ani Pannogan. Mula ng ipatupad ang ECQ noong Marso ay ipinagbawal na ang maramihang pagtitipon kaya napagdesisyunan ng dalawa na ipagpaliban ang kasal nila sa gitna ng patuloy na banta ng pandemyang coronavirus disease (COVID19).
Ibinigay na donasyon ng magnobyo ang pera sa pamamagitan ng programang “Adopt a Family” ng Philippine National Police. Layon ng programa na hikayatin ang mga police personnel na tulungan ang mga pamilya na nangangailangan ng pangunahing pagkain at mahahalagang suplay sa panahon ng ECQ.
“Kung may kapangyarihan man na mabisang bala kontra krisis, ito ay ang pagkakaroon ng malasakit. Panahon na upang ating paigtingin ang pagkakaisa at malasakit sa bawat isa,” pahayag niya sa isang Facebook post.
Hinikayat niya ang kapwa police officers na gawin din a ito. ”Atin pong ipakita ang tunay na puso ng pulis,” aniya. Si Pannogan na tubong Mallango, Tinglayan ay kasalukuyang naninirahan sa Agbannawag, Tabuk City. Hinimok ni Regional Mobile Force Company commander Col. Mario Mayames ang kaniyang mga tauhan na ibahagi ang kanilang natanggap na mga biyaya sa kanilang kaarawan.
“I encourage the men on the field who are celebrating using their money to just share it to those in need through the adopt a family program of the PNP,” aniya. “Resources pooled together will mean a lot to families who are greatly affected who lost income due to the quarantine,” dagdag niya.
JM-PNA/PMCJr.-ABN
 

Amianan Balita Ngayon